Huwebes, Enero 23, 2025

Pagninilay at pagsusulat

PAGNINILAY AT PAGSUSULAT

ngayon pa lang nagsisimula ang gabi sa akin
matapos ang maghapong pagninilay sa usapin
ano nga bang nasa dako roon ng takipsilim
upang mga paksa'y maisulat ko nang may talim

kayraming mga kwento't nakakalap na balita
na dapat mabatid ng masa, lalo't mga dukha
yaong inaasam na paninindigang dakila
ay dapat ipaglaban ng uring api't kawawa

anumang oras habang di pa ako inaantok
ay patuloy na kakatha kagatin man ng lamok
kayraming pangyayaring di mo talaga malunok
magbakasakali lang dukha'y ilagay sa tuktok

sana nobela'y makatha kahit may agam-agam
baka sa unang nobela pangalan ko'y kuminang
pag kumita ang nobela'y may pambayad ng utang
na ilang taon ding pagsisikapang mabayaran

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

Batang isang taon, nalunod sa timba

BATANG ISANG TAON, NALUNOD SA TIMBA

nakakaiyak, nakakagitla
nang mabasa ang isang balita
isang taong gulang lang na bata
yaong nalunod sa isang timba

biktima umano'y naglalaro
sa likod-bahay, ngunit naku po!
buhay niya'y kay-agang naglaho
pangarap sa kanya'y nagsiguho

nasabing bata'y napabayaan
habang magulang ay nag-agahan
timbang may tubig ang nilaruan
ng bata't siyang kinalunuran

kung ako ang ama'y anong sakit
na habambuhay kong mabibitbit
may pangarap pa ang aking paslit
ngunit nangyari'y sadyang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

* ulat mula sa mga pahayagang Abante at Bulgar, Enero 23, 2025, pahina 2

Miyerkules, Enero 22, 2025

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA

sumasali ako sa pagtula
dahil iyan ang bisyo ko't gawa
salitan man ang mga salita
patuloy na kakatha't kakatha

madalas sa kisame tititig
nagbabakasakaling pumintig
ang mga salitang nakakabig
upang akin yaong isatinig

anumang paksa'y pagninilayan
isyu ng bata't kababaihan
hustisya't pantaong karapatan
manggagawa't ipinaglalaban

itayo'y lipunang makatao
bawat pakikibaka'y prinsipyo
sa bawat salita'y may diskurso
bawat usad ng pluma'y may kwento

- gregoriovbituinjr.
01.22.2025

Martes, Enero 21, 2025

Iras at agas-as

IRAS AT AGAS-AS

bagamat narinig ko na sa lalawigan
pag di ginagamit ay di na matandaan
may salitang sa krosword ko unang nalaman
palibhasa'y tanong na dapat masagutan

Siyam Pahalang - 'Paggawa ng asin': IRAS
sa Dalawampu't Tatlo Pababa: AGAS-AS
yaong 'Ingay ng hangin', buti't nawawatas
nitong diwa't wastong sagot ay nakakatas

IRAS at AGAS-AS, malalim na salita
na nang mabatid ay ginamit na sa tula
wala man ang talasalitaan kong sadya
ay nasagot pa rin ang hanap na kataga

kasi naman ay palaisipan ang hilig
pagmamasdan ang krosword, sadyang nakatitig
mata, diwa't pluma, walang galaw ang bibig
at pag nabuo animo'y nakapanlupig

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025

* krosword mula sa Pilipino Star Ngayon, 12.16.2024, p.10

Sana'y wala nang EJK

SANA'Y WALA NANG EJK

sana, pag-salvage ay mawala na
at walang sinasalbahe sana
sana due process ay umiral pa
sana walang short cut sa hustisya

extrajudicial killings, itigil
paraang ganito'y mapaniil
pagkat due process ay sinusupil
sana ito'y tuluyang mapigil

sinuman ang maysala, kasuhan
at ikulong ang napatunayan
huwag idaan sa pamamaslang
pagkat lahat ay may karapatan

pairalin ang wastong proseso
at hanapin kung anong totoo
ang kriminal ay ikalaboso
ang inosente'y palayain mo

pairalin due process sa bansa
ngunit kung papatayin kang sadya
ng mga pusakal o sugapa
sarili'y ipagtanggol mong kusa

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025

Bente pesos na ang tatlong pirasong tuyo

BENTE PESOS NA ANG TATLONG PIRASONG TUYO

bibilhin ko sana'y tsamporado
na bente singko pesos ang presyo
ubos na, nagtuyo na lang ako
bente pesos ang tatlong piraso

luto na iyon sa pinagbilhan
na aking inulam sa agahan
na sinawsaw ko sa suka't bawang
sagot din sa tiyang kumakalam

ngunit kaymahal na ng halaga
ang tatlong tuyo'y bente pesos na
kamatis nga, sampu bawat isa
presyo'y tumataas nang talaga

kung sa gutom, mata'y lumalabo
ngayon, gutom ko'y agad naglaho
sa pagkain nama'y di maluho
mabusog lang, ayos kahit tuyo

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025

Lunes, Enero 20, 2025

Katha lang ng katha

KATHA LANG NG KATHA

katha lang ng katha
ang abang makata
anuman ang paksa
kanyang itutula

sulat lang ng sulat
ang makatang mulat
anuman ang ulat
na sumasambulat

isinasatitik
ang anumang hibik
gamit ang panitik
kahit walang imik

pag may masasabi
araw man o gabi
kakathang maigi
yaong nalilimi

pluma'y gagamitin
upang bumanat din
trapo'y kastiguhin
kuhila'y lupigin

- gregoriovbituinjr.
01.20.2025

Sino o alin ang nasunog?

SINO O ALIN ANG NASUNOG?

basahin, swimmer ba ang nasunog?
ayon sa pamagat ng balita
o sampung medalya ang nasunog?
kung ulat ay aalaming sadya

basahin: "ng swimmer na nasunog"
at hindi sampung Olympic medal
di na typo kundi grammar error
malinaw pag binasa ang ulat

na papalitan daw ng I.O.C.
ang sampung nasunog na medalya
batid ko na, Oh, I See! (OIC)
kaya titulo'y ayusin sana

dapat ulat ay pinamagatan
ng "nasunog na sampung Olympic
medal ng swimmer ay papalitan
ng IOC" yaong natititik

sana inaayos ang titulo
bago pa ilathala ang ulat
upang di rin naman makalito
sa masang nagbabasa ring sukat

- gregoriovbituinjr.
01.20.2025

* mula sa ulat sa pahayagang Bulgar, Enero 15, 2025, p.12
* IOC - International Olympic Committee

Nika Juris Nicolas, wagi sa Prague chessfest

NIKA JURIS NICOLAS, WAGI SA PRAGUE CHESSFEST

edad dose anyos lamang si Nika Juris
subalit muling nag-uwi ng karangalan
para sa bansa nang maka-second place finish
sa Prague chessfest, nagwagi sa kanyang laban

nakakuha siya roon ng pitong puntos
anim ang kanyang panalo, dalawa't tabla
isang talo, ngunit isang punto ang kapos
upang kanyang maungusan ang nangunguna

tandaan ang ngalang Nika Juris Nicolas
lalo't nasikwat niya ang best female player
bata pa'y kinatawan na ng Pilipinas
number one pa sa ELO rating ang chess master

ituloy mo lang, Nika, kamtin ang tagumpay
sa iyo, kami'y taasnoong nagpupugay

- gregoriovbituinjr.
01.20.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Enero 19, 2025, p.8

Remark Bartolome, kampyon sa Bangkok chess

REMARK BARTOLOME, KAMPYON SA BANGKOK CHESS

nagkampyon ang kababayang si Remark Bartolome
sa Rooky Monthly Standard FIDE Rated chess tournament
sa Bangkok, Thailand, Pinoy na maipagmamalaki
sa larangan ng chess dahil sa pambihirang talent

naitala ni Bartolome ay four point five puntos
kaya nanguna siya sa paligsahan bagaman
kasalo sa tuktok si Robert Suelo ng Laos
na isang Pinoy rin ngunit Laos ang kinatawan

ngunit matapos ang tie break, si Remark ang nagkampyon
sa tunggaliang merong time format na sixty minute
plus thirty second increment, nagtagumpay sa misyon
ang Pinoy woodpusher na bandila ng bansa'y bitbit

sa iyo, Remark Bartolome, kami'y nagpupugay
sa ipinakita mong determinasyon at husay

- gregoriovbituinjr.
01.20.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Enero 14, 2025, p.8

Linggo, Enero 19, 2025

Kakanggata, pinakadiwa

KAKANGGATA, PINAKADIWA

tanong sa palaisipan: Pinakadiwa
dalawampu't siyam pahalang ang salita
lumabas na sagot doon ay: kakanggata
na katas ng niyog mula sa unang piga

yaong unang piga ang pinakamalapot
na katas ng niyog mula pinong pagkudkod
ng kakaning puti mula sariwang niyog
na gamit sa pagluluto, pinakabuod

malaking hamon ang palaisipang iyon
sadyang matalinghaga ang nasabing tanong
ngunit nababatid ng makatang tumugon
kakanggata yaong pinakadiwa niyon

bago't dagdag kaalaman para sa akin
upang iukit sa tulang malimit gawin
kakanggata yaong esensyang hahanapin
o kaya naman ay kakapain sa dilim

- gregoriovbituinjr.
01.19.2025

* mula sa pahayagang Abante, Enero 19, 2025, p.7

Ang bago kong radyo

ANG BAGO KONG RADYO

bumili ako ng bagong radyo
presyo'y walang limang daang piso
panlaban sa pagkaaburido
pampaginhawa rin ng huwisyo

mga balita'y pinakikinggan
talakayan at katatawanan
at kung mayroon lang balagtasan
igagawi ang talapihitan

isa ako sa tagapakinig
ng mga kantang kaibig-ibig
kundiman, rap, folk, rock, DJ at gig
katutubo man at pandaigdig

dula'y pakikinggang walang puknat
pati ulat saanman nagbuhat
sa aking bagong radyo, salamat
diwa'y palagay sa nadalumat

- gregoriovbituinjr.
01.19.2025

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE

"kaka-cellphone mo 'yan!" sabi lagi sa radyo
pag patalastas o patawa ng payaso
naalala ko dahil sa ulat sa dyaryo:
"Paslit dumugo ang mata sa cellphone," naku!

dumugo ang mata dahil sa sa pagkababad
sa paglalaro sa cellphone ng mga game app
batay umano sa karanasan ng anak
ng isang inang nababahala ngang ganap

na sa layer daw ng mata'y may iritasyon
na sanhi ay exposure sa sobrang radyasyon
ngunit ayon sa isang doktor, sanhi yaon
ng sintomas na may dengue ang batang iyon

kaya nilimitahan agad ang paggamit
ng anak ng cellphone o ng anumang gadget
na sa ibang magulang ay kanya ring hirit
mabuti't maayos na ang anak sa sakit

- gregoriovbituinjr.
01.19.2025

* tula batay sa ulat sa pahayagang Abante Tonite, Enero 18, 2025, tampok na balita (hedlayn) at pahina 2