Linggo, Setyembre 7, 2025

Banoy

BANOY

mawawalâ na raw ang Pilipinong banoy
sa loob ng limampu o walumpung taon
o kaya'y pagitan ng nasabing panahon
nakababahala na ang ulat na iyon

kung agilang Pinoy na'y tuluyang nawalâ
pinabayaan ba ang ispesyi ng bansâ
tulad ba ng dinasour nang ito'y nawalâ
o tayong tao mismo ang mga maysalà

nakahihinayang pag nawala ang limbas
sa sariling kultura't pabula ng pantas
magiging kwento na lang ba ng nakalipas
itong agilang Pinoy sa kwento't palabas

tatlong daan siyamnapu't dalawang pares
na lang ang naiiwan, panaho'y kaybilis
maalagaan pa ba silang walang mintis
upang populasyon nila'y di numinipis

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025

* ulat mulâ sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1GaoFZ1NrR/ 

The country’s national bird might get extinct in the next 50 to 80 years, an official of the Philippine Eagle Foundation (PEF) said.

In an interview with MindaNews Thursday, PEF director for operations Jayson C. Ibañez said that based on their Population Viability Analysis workshop conducted this week, certain factors indicate the possibility of the extinction of the Philippine Eagle.

Based on the PEF’s latest study published in 2023, there are only 392 remaining pairs of the raptor left in the wild.

via MindaNews https://ift.tt/cYDBjfJ 

Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO

iyon lang ang maiaalay ko sa mundo
ang ibigay yaring buhay para sa kapwa
at maitayo ang lipunang makatao
at patas sa pagkilos nating sama-sama

sasakahin natin ang mga kabukiran
talbos, gulay at palay ay ating itanim
pinakakain ng pesante''y buong bayan
ngunit sila pa'y api't mistulang alipin

suriin ang lipunan at sistemang bulok
oligarkiya, trapo't dinastiya'y bakit
sa kapangyarihan ay gahaman at hayok
kaylupit pa nila sa mga maliliit

marapat lang nagpapakatao ang lahat
at ipagtanggol din ang dignidad na taglay 
kaya sa pagkilos sa masa'y nakalantad
sa mundong ito'y inalay na yaring buhay

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025

* litratong kuha sa bayan ng Balayan, lalawigan ng Batangas

Ingat sa daan

INGAT SA DAAN

naglalakad nang tulala madalas
buti't sa disgrasya'y nakaiiwas
at alisto pa rin sa nilalandas
sa pupuntaha'y di nakalalampas

tulala man itong abang makatâ
pagkat mahal na asawa'y nawalâ
lakad ng lakad, at kathâ ng kathâ
buti't sa daan, di nasusungabâ

kahit sa diskusyon, tulalâ minsan
diwa'y nawawalâ sa talakayan;
bilin sa tulalâ: ingat sa daan
baka madapâ, agad masugatan

buti't ang makata'y di naliligaw
sa baku-bako pa'y nakalalaktaw
sabit sa dyip, buti't di nakabitaw
kundi'y sariling mundo'y magugunaw

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025

Sabado, Setyembre 6, 2025

Maligayang ika-79 na kaarawan po, Inay

MALIGAYANG IKA-79 NA KAARAWAN PO, INAY

pinaaabot ko'y taospusong pagbati 
sa ikapitumpu't siyam na kaarawan
ng aking inang tunay na kapuri-puri
dahil sa patnubay sa aming kanyang anak

mabuhay ka, Inay, at kami'y napanuto
na talagang ginabayan kami sa buhay
na iyong pagmamahal ay di naglalaho
upang kami'y mapunta sa magandang lagay

maraming salamat po sa pagpapalaki
lalo sa aming anim na magkakapatid
at mga apo mong maipagmamalaki
na pawang karangalan ang inihahatid

muli, pagbati'y maligayang kaarawan
sa inyo, nawa'y manatili pong malusog
ang inyong pangangatawan, puso't isipan
at lubos na pagmamahal ang aming handog

- gregoriovbituinjr.
09.06.2025    

Biyernes, Setyembre 5, 2025

Tularan si Eurytus, hindi si Aristodemus

TULARAN SI EURYTUS, HINDI SI ARISTODEMUS

dalawang Spartan ang pinauwi
ni Haring Leonidas ng Sparta
parehong sakit sa mata ang sanhi
na baka makasamâ sa opensa

tatlong daang mandirigmang Spartan
yaong paroroon sa Thermopylae
dalawa'y kabilang sa tatlong daan
subalit pinauwi silang tunay

umalis silang dalawa subalit
bumalik sa digmaan si Eurytus
napaslang sa digma, nagpakasakit
ngunit umuwi si Aristodemus

tinawag na duwag, di kinausap
ng kapwa Spartan, nakakahiya
sa kasaysayan, di naburang ganap
ang sinapit, dangal niya'y nawala

kaya bilang aktibistang Spartan
magandang halimbawa si Eurytus
maysakit man tayo'y ating tularan
hanggang mamatay, nakibakang lubos

- gregoriovbituinjr.
09.05.2025

* litrato mula sa google

Ang nasusulat sa bato

ANG NASUSULAT SA BATO

"Nothing is written in stone."?
ikako naman, mayroon
lapida ba'y anong layon?
di ba't batong marmol iyon?

isa iyong parikalâ
o irony, ang salitâ
na winika ng matandâ
sa bato nasulat pa ngâ

di pa naukit ang gayon
marahil noong panahon
nina Zeus at Poseidon
wala pang sibilisasyon

anong kahulugan nire?
sa masa'y anong mensahe?
wala nga bang permanente?
o sa sitwasyon depende?

- gregoriovbituinjr.
09.05.2025

* larawan mula sa google

DPWH Contractor, gahaman daw?

DPWH CONTRACTOR, GAHAMAN DAW?

nagpatama na naman si Kimpoy
salita'y walang paligoy-ligoy
pag pamilyang gahaman sa pera
ano raw ang tawag sa kanila?

DPWH Contractor po
aba'y kaygalang ng bata, may 'po'
batid sa Barangay Mambubulgar
ang kalokohan kaya nang-asar

ibig sabihin, na kahit bata
na danas din marahil ang baha
na pondo sa proyektong flood control
ay bayan talaga ang binudol

kawawang bayan kong walang alam
kung di nagbaha'y di malalaman
dapat lang imbestigahan ito
maysala'y parusahang totoo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2025

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 2, 2025, p.4

Huwebes, Setyembre 4, 2025

Pribatisasyon ng NAIA, Tutulan

PRIBATISASYON NG NAIA, TUTULAN

sa NAIA, kayraming bagong fees
nagsimula sa surot at ipis
isinapribado nang kaybilis
naririyan ang parking fees,
terminal fees, airport fees.
take-off fees, landing fees.
lighting fees, utility fees.
rental fees, service fees.
at marami pang iba't ibang fees
pasahero'y magtitiis
sa mga nagtaasang fees
ay, nakapaghihinagpis

kaya maitatanong mo
at mapapaisip dito
bakit ginawang negosyo
ang pampublikong serbisyo

panawagan sa kapitalista
aba'y dapat n'yo lang itigil na
ang pribatisasyon ng NAIA
na sa masa'y kaysakit sa bulsa

ang panawagan natin sa masa
magkapitbisig at magkaisa
tutulan, pribatisasyon ng NAIA
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
09.04.2025

* salamat sa kumuha ng litrato

Kukukup kop, kukukop

KUKUKUP KOP, KUKUKOP

sino kayang kukupkop
sa tulad nilang dahop
yaon bang mananakop
na ang ugali'y hayop

kukukup kop, kukukop
sakaling masalikop
ng mga manunupsop
tayo ba'y pasasakop

kukukup kop, kukukop
sabaw ay hinihigop
ng makatang masinop
sa mangga'y nagtatalop

kukukup kop, kukukop
kung ako ba'y matutop
ng tusong mananakop
ito ba'y naaangkop

- gregoriovbituinjr.
09.03.2025

* larawan mula sa app na Word Connect

Miyerkules, Setyembre 3, 2025

Kung ako'y tumumba

KUNG AKO'Y TUMUMBA

kung ako'y tumumba
sa tama ng bala
ang hiling ko sana
ako'y mabuhay pa

sana'y maabot ko
pa'y edad na gusto:
ang pitumpu't pito
o walumpu't walo

kayrami pang tula
kwento at pabula
ang nais makatha
para sa dalita

kayrami pang dagli
at kwentong maikli
ang akda kong mithi
kahit puso'y sawi

- gregoriovbituinjr.
09.03.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa EDSA cor. Quezon Avenue, QC

Minsan, dagat ang pagsusulat ng sanaysay

MINSAN, DAGAT ANG PAGSUSULAT NG SANAYSAY

minsan, dagat ang pagsusulat ng sanaysay
lalo't sa sariling karanasan binatay
malalim at mapanglaw pag iyong nanilay
basta't pag iyong binasa'y di mauumay

ang sanaysay nga ba'y madali lang sulatin?
oo, kung sa sarili mong danas nanggaling
kung anong nababatid mo'y iyong akdain
anong nasa isip mo'y isalaysay lang din

tulad ng awit ng ibon sa himpapawid
tulad din ng pag-awit ng mga kuliglig
isulat mo lamang ang iyong nababatid
sa tanghaling tapat man o gabing malamig

malupit ay tanggalan ng sungay at buntot
pati trapong sa flood control ay nangurakot
pati oligarkiyang pawang mapag-imbot
na sa pakikipagkapwa man ay maramot

ay, sangkatutak ang paksang maisusulat
kahit isulat mo'y samutsaring alamat
kathain mo rin anumang maisusumbat
sa mga trapong sa bayan ay nagkakalat

- gregoriovbituinjr.
09.03.2025

* litrato mula sa app na Word Connect

Martes, Setyembre 2, 2025

Sabaw at talbos ng kamote

SABAW AT TALBOS NG KAMOTE

sabaw at talbos ng kamote
ang hapunan ko ngayong gabi
sa puso raw ito'y mabuti
sa kanser ay panlaban pati

nakakatulong sa digestion
at naglalaman din ng iron
na mabuti raw sa produksyon
ng red blood cells ang mga iyon

kaysarap din ng sabaw nito
lalagukin ang isang baso
napapalusog pati buto
ramdam kong ito'y epektibo

nakagagaan sa paggalaw
bukod sa masarap na sabaw
talbos pa nito'y isasawsaw
sa bagoong, di ka aayaw

di ako nagkanin, ito lang
at nakabubusog din naman
pampalakas na ng katawan
pampalusog pa ng isipan

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Umamin daw ang aso?

UMAMIN DAW ANG ASO?

ang aso ay magaling na bantay
tatahol pag may iba sa bahay
ang aso'y mahusay ring alalay
pag tumahol, di ka mapalagay

bakit ba umaming siya'y aso
ng isang batikang pulitiko
sakaling mangagat naman ito
baka magkarabis kang totoo

kaya sa aso'y laging mag-ingat
at iwasan ang kanilang kagat
aso mang umamin at nanumbat
baka galis pa'y kanyang ikalat

ingat sa aso, ingat sa rabis
baka kagat nito'y di matiis
garapata pa'y dapat matiris
pag tumahol, agad kang umalis

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 2, 2025, p.1 at p.5

Ang Setyembre Dos sa kasaysayan

ANG SETYEMBRE DOS SA KASAYSAYAN

ang Setyembre Dos sa kasaysayan:
pormal na ang pagsuko ng Japan
at ang Ikalawang Daigdigang
Digmaa'y tuluyang nawakasan

namatay ang bayani ng Byetnam
at unang pangulong si Ho Chi Minh
nakaligtas sa nasunog na jet
ang naging presidente ng U.S.

may isang daang O.F.W. 
ang napauwi galing Kuwait
na tumakas sa kanilang amo
na kondisyon sa trabaho'y pangit

kayrami nang namatay sa dengue
anang ulat ng Department of Health
ulat na ito'y sadyang kaytindi
sa namatayan ay anong kaysakit

limang daan ang sa Iloilo
tatlong daang katao sa Bicol
at pitumpu naman mula sa Cebu
ay, nakamamatay iyang lamok

nadagdag pa sa mga balita
C.D. bidyo't Jose Pidal acoount
at may pahabol pang kasabihan:
huwag bukas kung kaya na ngayon

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

* mga datos mula sa pahayagang Pang-Masa, p.4

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

mabuti nang tumumba't mamatay
kaysa wala nang silbi sa buhay
sa isip ko'y gumugulong tunay
itong gulong na plat niring buhay

narito't naglilingkod ng sadya
sa uring manggagawa at dukha
sa kabila ng hibik at luha
nang aking asawa ay mawala

paano babayaran ang utang
na milyon-milyon ay di ko alam
sakit sa ulong di napaparam
ang sarili ko na'y inuuyam

pagpapatiwakal ba ang sagot?
kung katiwasa'y di maabot?
paano lulusutan ang gusot?
ang kalutasan sana'y masambot

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Lipunang malaya't matinô

LIPUNANG MALAYA'T MATINÔ

pangarap ko'y malaya't matinong lipunan
umiiral ay patas at makatarungan
na walang api't pinagsasamantalahan
ng dinastiya, oligarkiya't gahaman

pangarap ko'y lipunang matino't malayà
kung saan walang trapo't burgesyang kuhilà
sa anumang pakikibaka'y laging handâ
kumikilos kasama ng obrero't dukhâ

pangarap ko'y lipunang malaya't matinô
na lahat ng lahi't bansa'y nagkakasundô
umiiral ay di pagkaganid sa gintô
kundi pakikipagkapwa sa buong mundô

lipunang matino't malaya ang pangarap
na makamit na bawat isa'y lumilingap
sa kanyang kapwa, kaya tayo na'y magsikap
na abutin ang kaytayog mang alapaap

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Lunes, Setyembre 1, 2025

Nais ko'y ukit na maso sa lapida

NAIS KO'Y UKIT NA MASO SA LAPIDA

sakaling mamatay / ang makatang kapos
ayoko ng daop / na palad o kurus
kundi yaong masong / gamit ng busabos
nang sistemang bulok / ay buwaging lubos

hindi natin batid / kailan babagsak
ang katawang lupa / sa putik o lusak
sakaling ibaon / saanpamang lambak
sa lapida'y nais / na ito'y itatak:

"narito'y makatâ / ng obrero't dukhâ
tagapagtaguyod / ng sariling wikà
tibak na Ispartan / sa puso at diwà
sistema'y palitan / ang inaadhikà

panay ang pagtulâ / kahit makulimlim
sa masa'y nagsilbi / ng tapat at lalim
sa dumaan dito't / sumilong sa lilim
nagpapasalamat / siya ng taimtim"

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* larawan ay dinisenyo ng makatang galâ

Sina Alyssa Valdez at Alex Eala

SINA ALYSSA VALDEZ AT ALEX EALA

sina Alyssa Valdez at Alex Eala
dalawang batikan, atletang Pilipina
tennis si Alex at volleyball si Alyssa
sila'y tunay na kahanga-hangang atleta

minsan, sa bidyo lang sila napapanood
reel, pesbuk, YouTube, doon ako nakatanghod
sila'y tatalon, hahampas, mapapaluhod
pawang matatatag, matitibay ang tuhod

sa isports, kaylaki ng ambag nilang tunay
ipinakita nila ang talino't husay
masasabi ko'y Mabuhay sila! MABUHAY!
ang paabot ko'y taospusong pagpupugay!

ngalan nila sa kasaysayan na'y naukit
mga atletang nasa pagitan man ng net
ay makikitang may ngiti, di nagsusungit
mababait, ngunit sa arena'y kaylupit

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* litrato mula sa ABS-CBN News fb page 

Bansa ng 7,641 kapuluan

BANSA NG 7,641 KAPULUAN

mula pitong libo, isang daan at pitong isla
ang kapuluan sa ating bansa'y nadagdagan pa
pitong libo, animnaraan, apatnapu't isa
ayon sa bagong datos na nakalap ng NAMRIA

si Charlene Gonzales ay agad naalala natin
noong sa Miss Universe pageant siya ay tanungin
Ilan ang isla sa Pilipinas, na sinagot din
ng tanong, "High tide or low tide?" ang sagot ba'y kaygaling?

dagdag na limang daan, tatlumpu't apat na pulô
kapag taog ba o high tide ay agad naglalahò?
buti't mga bagong isla'y natukoy, naiturò
ng NAMRIA, bilang ng mga pulô na'y nabuô

limang daan tatlumpu't apat na pulo'y nasaan?
sa satellite images doon natin malalaman
nais kong marating ang mga bagong islang iyan
upang sa sanaysay, kwento't tula'y mailarawan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/share/1FrewfMduj/ 
* NAMRIA - National Mapping and Resource Information Authority, sentrong ahensya sa Pilipinas hinggil sa pagmamapa ng mga lupa sa bansa

Kung may humanitarian mission sa Palestine

KUNG MAY HUMANITARIAN MISSION SA PALESTINE

kung may humanitarian mission sa Palestine
nais kong maging boluntaryo sa gawain
pagkat ito'y tunay na dakilang tungkulin
ng bawat isang nagpapakatao man din

isang gawain tungo sa kapayapaan
sa rehiyong niluray ng mga digmaan
isang adhikain tungo sa kalayaan
ng mga Palestinong dapat lang tulungan

tulad ng dalitang inagawan ng lupa
pati pinagsasamantalahang manggagawa
karapatan nila'y ipaglalabang sadya
tulad din ng Palestinong tigib ng luha

ay, kayrami na nilang namatay sa gutom
kaya kung doon may humanitarian mission
ang magboluntaryo ako'y isa kong layon
itutula ko rin ang lagay nila roon

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa fb page ng Middle East Monitor sa kawing  na:

Gawain tuwina

GAWAIN TUWINA

ang pagsusulat at pagbabasa
ang madalas kong gawin tuwina
pagbabasa'y bisyo ko talaga
gabi, hapon, tanghali, umaga

binabasa'y samutsaring aklat
sa bawat pahinang nabubuklat
dito'y kayrami kong nauungkat
kayraming paksang nabubulatlat

tuwina'y dito ko binubuhos
ang panahon bagamat hikahos
pag maghapong trabaho'y natapos
libro nama'y babasahing lubos

kakatha ng tula bawat araw
kahit kagubatan ko'y mapanglaw
pag may lumitaw sa balintataw
ang pluma kong tangan na'y hahataw

magsusulat ng kwento't sanaysay
dama man ay saya, dusa, lumbay
mga tagong paksa'y binubuhay
upang sa masa'y maisalaysay

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* larawan mula sa google