Huwebes, Marso 12, 2020

Di pantasya ang pakikibaka para sa karapatang pantao

halina't makiisa sa daigdig ng pagkatha
isang mundong may karapatang pantao'y malikha
walang pang-aapi't pagsasamantala sa madla
may pagkakapantay sa lipunan, wala nang dukha

ngunit di pantasyang mundo ang ating kailangan
kundi may totoong karapatan sa daigdigan
sa ngayon, karapatan ay dapat pang ipaglaban
at magtulong-tulong tayong baguhin ang lipunan

tara, kapatid, karapatang pantao'y ihatid
sa ating kapwa, karapatan nila'y ipabatid
subalit paano kung tayo'y sa dilim ibulid
pagkat tingin ng gobyerno tayo'y mga balakid

ang sabi nga nila: "Makibaka! Huwag matakot!"
labanan natin ang mga polisiyang baluktot
balakid sa karapatang pantao'y malalagot
kung sama-samang pupuksain ang pinunong buktot!

- gregbituinjr.

* tulang nilikha at ikalawang binigkas sa bidyo-talakayan ng grupong IDefend hinggil sa karapatang pantao, bandang ikaanim ng hapon, Marso 12, 2020

Labanan ang terorismo ng estado

LABANAN ANG TERORISMO NG ESTADO

I

bakit kaya ang kongreso'y tila gigil na gigil
nang senado'y pinasa ang anti-terrorism bill

batas upang karapatang pantao'y masikil
at karapatan nating magpahayag ay masupil

instrumento ng gobyerno upang makapaniil
at ang buhay ng tao'y basta na lang kinikitil

ang paniniil nila'y dapat tuluyang mapigil
lalo ang pagsasabatas ng anti-terrorism bill

II

pagtatanggol lang ang batas sa naghaharing uri
na nais protektahan ang pribadong pag-aari

upang magpatuloy pa ang kanilang paghahari
at kanilang kapangyarihan ay mapanatili

pipigilang mag-unyon para sa "industrial peace"
na kapayapaan upang manggagawa'y magtiis

huwag nang umangal sa kalagayan sa pabrika
magtiis, sweldo ma'y di makabuhay ng pamilya

III

susugpuin na agad ang sinumang magpahayag
at sa katahimikan ng negosyo'y mambabasag

sa batas ng bansa'y awtoridad pa ang lumabag
subalit karapatang pantao'y di matitinag

aktibista kaming kung may buntot di nababahag
dahil sa mga kabuktutan kami'y pumapalag

IV

bawat aktibista'y para sa bayan, mapagmahal
naninindigan, nakikibaka, at mararangal

kalaban ng aktibista'y mga pinunong hangal
kalaban din ng tibak ang teroristang pusakal

terorista'y yaong nananakit ng mamamayan
lalo't pinunong may utos ng tokhang at patayan

- gregbituinjr.

* ang tulang ito'y inihanda upang bigkasin sa bidyo-talakayan ng grupong IDefend hinggil sa karapatang pantao, sa ikalima ng hapon ng Marso 12, 2020

Miyerkules, Marso 11, 2020

Paano sasagipin ang mundo mula sa kapitalismo?

paano sasagipin ang mundong pinagharian
ng kapitalismong yumurak sa dangal ng bayan
paano susugpuin ang sakim, tuso't kawatan
na naglipana sa iba't ibang pamahalaan

pagbabago'y dapat maganap sa lipunan ngayon
ating isigaw: Kooperasyon, Di Kumpetisyon!
Regularisasyon Na, at Di Kontraktwalisasyon!
Pagbabago sa pamamagitan ng Rebolusyon!

paano ba sisingilin ang naghaharing uri
sa pagsasamantala nila't pagyurak ng puri
ng mamamayang naghihirap, magnilay, magsuri
bakit ugat ng hirap ay pribadong pag-aari

di ba't nagpapasahod sa obrero'y obrero rin
lahat ng kanyang sinweldo'y sa sarili nanggaling
iyan ang sikreto ng sahod na dapat isipin
sahod na di galing sa kapitalistang magaling

sistema'y baguhin, manggagawa'y magkapitbisig
iparinig ang lakas ng nagkakaisang tinig
bawat unyon, bawat obrero ang dapat mang-usig
nang iyang naghaharing uri'y tuluyang malupig

- gregbituinjr.

Martes, Marso 10, 2020

Ang patalastas ng Breeze at ang kabayanihan ni Roger Casugay


ANG PATALASTAS NG BREEZE AT ANG KABAYANIHAN NI ROGER CASUGAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napanood ko sa bus bago ako umuwi ng bahay ang isang magandang patalastas ng Breeze sa telebisyon.

Dahil dito'y naalala ko ang pagkakapareho ng istoryang iyon sa nangyaring kabayanihan ng ating kababayang si Roger Casugay, na isang surfer at naging gold medalist noong Southeast Asian Games 2019 na naganap sa bansa.

Sa patalastas ng sabong Breeze, maraming batang lalaki ang nagpaligsahan sa pagtakbo. Marahil ay marathon o 100 meter-dash na takbuhan. Ipinakitang nangunguna ang dalawang bata sa takbuhan, subalit biglang nadapa at lumubog sa putik ang isa sa dalawang bata. Ang batang nangunguna sa takbuhan ay napalingon, at sinaklolohan ang batang nadapa. Hanggang maunahan na sila ng iba pang bata.

Tinulungan ng nangungunang bata ang batang nadapa sa putik at halos di na nakabangon. Tila naiiyak pa ang batang nadapa, kaya sinaklolohan niya ito't inalalayan patungong finish line. Dahil sa putik sa damit ng bata, kinakailangan umanong labhan iyon gamit ang Breeze upang muling pumuti.

Sa huli, binigyan ng Sportsmanship Award ang batang sumaklolo sa batang nadapa sa putik. Ang maikling kwentong iyon ay kinuha ng Breeze sa loob ng tatlumpung segundo, na karaniwang tagal ng isang komersyal.

Halos ganito rin ang kwento ng bayaning Pinoy sa Southeast Asian Games. 

Ayon sa mga ulat, nagpaligsahan na sa surfing noong Disyembre 6, 2019, araw ng Biyernes, sa Monaliza Point sa La Union. Nangunguna noon si Roger Casugay laban sa Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat nang mapansin niyang nasira ang tali sa surfing board ni Nurhidayat kaya nalaglag ito't tinangay na ito ng malalaking alon. Dali-daling bumalik si Casugay at tinulungan niya pabalik sa baybayin si Nurhidayat. Sinagip ni Casugay si Nurhidayat na hindi iniisip ang karera upang kamtin ang gintong medalya.

Hinayaan na ni Roger Casugay ang gintong medalya upang mailigtas ang isang kapwa katunggaling Indonesian mula sa pagkalunod. Kinilala at pinuri si Casugay sa social media dahil sa kanyang ginawang kabutihan. 

Sa kalaunan ay nanalo ng gintong medalya sa ikalawang labanan nila ni Nurhidayat na nakakuha ng bronze medal, habang ang silver medal ay nakuha naman ng kapwa Pinoy na si Rogelio Esquivel.

Ang batang sumaklolo sa kanyang kapwa bata, na di alintana ang medalya sanang makukuha, at ang ginawa ni Roger Casugay, ay tunay na kahanga-hanga. Mabuting halimbawa sa mga nakapanood ng patalastas, at nakapanood din ng Southeast Asian Games 2019, ang kabutihan nilang ginawa sa kanilang kapwa. Ang isa'y nadapa't halos di makabangon nang lumubog sa putik, at ang isa'y nalaglag sa kanyang surfing board at nailigtas sa maaaring maganap na pagkalunod.

Maganda ang konsepto ng mga patalastas ng Breeze na karamihan ay tungkol sa pagtulong ng mga bata. At ang bago nilang patalastas na ito, sa tingin ko o sa sarili kong palagay, marahil ay batay sa magandang halimbawa ni Roger Casugay. Naiba lang ang tagpuan subalit ang balangkas ng kwento ay halos pareho.

Ano kaya kung imbitahan ng Breeze si Roger Casugay sa kanilang patalastas? Wala lang, naisip ko lang.

Ginawan ko sila ng tula dahil sa kanilang kabayanihan.

WALA MANG GINTONG MEDALYA

mabuting halimbawa, magkaibang paligsahan
sa komersyal, mga bata'y unahan sa takbuhan
sa Southeast Asian Games, sa surfing naman ang labanan
ngunit katunggali nila'y nadisgrasyang tuluyan

sumaklolo ang bata sa kapwa batang nadapa
nalublob sa putik, di na makabangon ang bata
nalaglag sa tubig ang surfer niyang kasagupa
tinulungan ito ni Casugay, kahanga-hanga

di na nila naisip kamtin ang gintong medalya
basta't kalabang nasa gipit ay tulungan nila
ginawa nila'y tunay na halimbawang kayganda
at talagang inspirasyon na dapat maalala

nakuha man nila o hindi ang asam na ginto
mas magandang kamtin ang nagawa ng gintong puso
pagpupugay, gawang mabuti'y sa inyo'y di bigo
kaya pasalamat namin sa inyo'y buong-buo

- gregbituinjr.
03.10.2020

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Surfing_at_the_2019_Southeast_Asian_Games
https://qz.com/1763786/filipino-surfer-roger-casugay-is-the-hero-of-the-2019-sea-games/
https://www.facebook.com/BreezePhilippines/

Lunes, Marso 9, 2020

Soneto sa Diksyunaryo


Soneto sa Diksyunaryo

Ang diksyunaryo'y isang librong kaysarap namnamin
Na reperensya ng katutubong salita natin
Gamiting pantulong sa paglabas ng saloobin
Di kaya'y sa pakikipag-usap o sa sulatin.
Ito'y talasalitaang sadyang maaasahan
Kung kailangan sa pag-uulat at panitikan
Saliksikin ang mga salitang magkahulugan
Yaman nga ng ating wika'y doon matatagpuan.
Unabin muna ang bigas bago ito isaing
Naku, kaysarap madama ng iyong paglalambing
Alas-kwatro ng madaling araw, ako na'y gising
Ramdam ko'y saya pagkat nakatulog ng mahimbing.
Yumayabong ang wika, patunay ang diksyunaryo
Oo, kasabay nito'y dapat umunlad din tayo.
- gregbituinjr.

Linggo, Marso 8, 2020

Pagpupugay sa kababaihan

ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan
salamat, lola, inay, ate, tita, at katipan
pagkat kayo ang kalahati ng sandaigdigan
taas-kamaong pagsaludo sa kababaihan!

karapatan ng mga babae'y tinataguyod
ng KPML at ZOTO, sadyang nakalulugod
sa pakikibaka'y di tayo basta mapapagod
sa pagtaguyod sa karapatan at paglilingkod

mga mangggawang kababaihan, magkaisa!
mga kababaihang maralita, magkaisa!
at sama-samang baguhin ang bulok na sistema
itaguyod ang lipunang walang pagsasamantala

- gregbituinjr.,03.08.2020

Sabado, Marso 7, 2020

"Sige, barilin mo ako": Ang Kamatayan nina Che Guevara at Eman Lacaba

"Sige, barilin mo ako!"
KAMATAYAN NINA CHE GUEVARA AT EMAN LACABA
Saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa sila rebolusyonaryo ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila mga intelektwal na nakatapos ng pag-aaral. Kapwa sila namundok upang ipaglaban ang kanilang paniniwala. Pareho silang nadakip ng mga kaaway. At pareho nilang sinabihan ang bumaril sa kanila ng ganito: "Sige, barilin mo ako!"

Si Ernesto "Che" Guevara (Hunyo 14, 1928 – Oktubre 9, 1967) ay isang rebolusyunaryong Marxista mula Argentina, manggagamot, manunulat, pinuno ng gerilya, diplomat, at teoristang militar. Isa siya sa mga pangunahing pigura ng Rebolusyong Cubano, kasama ni Fidel Castro.

Si Emmanuel Lacaba (December 10, 1948 – March 18, 1976), na kilala bilang Eman Lacaba, ay isang Pilipinong manunulat, makata, sanaysayista, tagapaglaraw (playwright), manunulat ng maikling kwento, iskrip at awit, at isang aktibista, na itinuturing na "makatang mandirigma" ng Pilipinas.

Nagpasiyang umalis sa kanyang panunungkulan sa pamahalaan ni Fidel Castro si Che Guevara upang maikalat ang rebolusyon sa Africa at South America. Ngunit nabigo si Che sa Bolivia. Noong hapon ng Oktubre 8, 1967, binihag si Guevara at dinala ng mga sundalo patungo sa isang silid ng paaralan sa bayan ng La Higuera sa Bolivia, mga apat na milya ang layo mula sa kung saan siya nadakip, ayon sa talambuhay ni Richard Harris,  “Death of a Revolutionary: Che Guevara’s Last Mission.”

Naging instrumento sa pagdakip kay Che Guevara si Félix Rodríguez, isang operatiba ng Cuban American CIA na nakaposte bilang opisyal ng militar ng Bolivia. Nagkausap sila ni Che. Matapos iyon ay umalis si Rodríguez at nag-atas sa isang kawal na barilin sa ilalim ng leeg si Che upang maging opisyal na kwento na napatay si Guevara sa labanan.

Ang mga huling salita ni Guevara ay kay Sgt. Mario Teran, ang sundalong naatasang bumaril sa kanya, ayon sa talambuhay na sinulat ng mamamahayag na si Jon Lee Anderson na ang pamagat ay "Che Guevara: A Revolutionary Life."

“I know you’ve come to kill me,” sabi ni Che Guevara kay Teran. “Shoot, you are only going to kill a man.” Sa wikang Filipino ay ganito: "Sige, barilin mo ako, papatay ka lang naman ng isang tao."

Nagpaputok si Terán, at natamaan si Che Guevara sa mga bisig, binti at dibdib.

Samantala, isang umaga noong 1976, nag-agahan si Lacaba at ang kanyang yunit sa isang bahay sa Tucaan Balaag, Asuncion, Davao del Norte. Nakita sila ng mga Elemento ng Philippine Constabulary - Civilian Home Defense Front (PC-CHDF), kasama ang taksil na nagngangalang Martin, at sila'y pinagbabaril ng walang babala. Dalawa sa kanyang mga kasama ang napatay. Si Lacaba ay binaril at dinakip, kasama ang isang buntis na nagngangalang Estrieta.

Sa pagpunta nila sa Tagum, nagpasya ang PC-CHDF na hindi nila dadalhin ang sinumang bilanggo. Unang binaril si Estrieta. Nang oras na ni Lacaba, isang sarhento ang nagbigay ng pistola kay Martin at inutusan siyang barilin si Lacaba. Medyo nag-atubili umano yung Martin, ngunit tiningnan siya ni Lacaba at sinabi, “Go ahead. Finish me off.” na sa wikang Filipino'y "Sige. Tapusin mo na ako."

Iyon ang mga huling salita niya. Ang isang bala ay dumaan sa kanyang bibig at lumabas sa likuran ng kanyang bungo. Si Emmanuel Agapito Flores Lacaba, 27 taong gulang, ay namatay sa Davao del Norte, noong Marso 18, 1976.

Mga Pinaghalawan:
https://www.englishclub.com/ref/esl/Quotes/Last_Words/I_know_you_are_here_to_kill_me._Shoot_coward_you_are_only_going_to_kill_a_man._2720.php

* Unang nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, isyu ng Marso 1-15, 2020, mp. 18-19.

Huwebes, Marso 5, 2020

Kayabangan

KAYABANGAN

mayabang, mayaman, likas na ugali'y lumitaw
para siyang langaw na nakatungtong sa kalabaw
kung matahin ang dukha, animo'y isang halimaw
huwag daw hihipuin ang kotse't magagasgas daw

mapagmalaki, palalo, tila baga kayumad
o anak ng kutong sa ulo ng tao bumabad
matapobre ang dating kahit maningalang pugad
ang tingin sa sarili'y pogi kahit mukha'y askad

kung tutuusin, sa kanya'y di dapat makialam
kahit nakikita mong kung umasta'y mapang-uyam
hayaan na lang siya upang ngitngit mo'y maparam
alagaan ang sarili't di ka dapat magdamdam

marami ngang mayayabang, pasikat sa dalaga
aba'y kaya nilang gumastos kaya mapoporma
kaya pasensya ka, pagkat tulad mo'y walang pera
sagutin man sila ng dilag, anong paki mo ba

huwag kang manibugho sa dilag mong minamahal
basta't naririyan kang namumuhay ng marangal
may iba pang nararapat sa iyong pagpapagal
na pag nakasama mo'y ginhawa ang iluluwal

- gregbituinjr.

Miyerkules, Marso 4, 2020

Dalit at Gansal sa Dukha

DALIT SA DUKHA

pag gutom na ang sikmura
paano ka papayapa

mga dukha'y ipaglaban
ang burgesya'y paglamayan

ang mang-iwan ng kasama
ay higit pa sa basura

maralita’y ipagtanggol
labanan ang mga ulol

wala mang sandaang piso
basta’t nagpapakatao

DALIT - uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod

GANSAL SA DUKHA

tinagurian mang iskwater
kaharap ma’y malaking pader
itaboy man ng mga Hitler
lalabanan ang nasa poder

tahanan ba ang relokasyon
ng biktima ng demolisyon?
doon ba ay may malalamon?
gutom ba’y magigisnan doon?

mga berdugo’y anong lupit
gayong kung ngumiti’y kaybait
karapata’y pinagkakait
sa maralitang nagigipit

ang tahanan ko man ay dampa
ay nagpapakataong pawa
di baleng ako’y isang dukha
basta’t mabuti’y ginagawa

GANSAL - uri ng katutubong tulang may siyam na pantig bawat taludtod

* Unang nalathala ang mga tulang ito sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2020, p. 20

Martes, Marso 3, 2020

Palikerong palaboy

palikerong palaboy ako noong kabataan
matipuno ang katawan ngunit di katabaan
ligaw pa rin ng ligaw kahit maliit ang kuwan
ngunit malaki ang pag-ibig sa nililigawan

maliit ang alawans kaya sa dilag ay pipi
ligaw pa rin ako ng ligaw kahit ako'y torpe
pag kaharap siya'y tulala na't walang masabi
kaya dinaan sa tula ang sintang binibini

nanliligaw, walang pera, mahirap pa sa daga
ngunit kaysipag kumilos para sa manggagawa
kaya nga sa dalaga'y may diskarte't matiyaga
at bakasakaling mapasagot ang minumutya

di naman ako ang tipo ng palikerong playboy
mahilig sa tsiks subalit palikerong palaboy
minsan nga, nakatitig na lang sa mata ng apoy
pagkat binasted ng dalaga kaya nagngunguyngoy

minsan masarap balik-balikan ang kwentong iyon
sa sampung niligawan, isa'y sinyota maghapon
habang isa'y inasawa ko't kasama na ngayon
at iyan ang kwento ng maligaya kong kahapon

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 2, 2020

Pagtaas ng kaliwang kamao nina Ka Eddie Guazon at Ka Popoy Lagman

PAGTAAS NG KALIWANG KAMAO NINA KA EDDIE GUAZON AT KA POPOY LAGMAN
Maikling sanaysaY ni Gregorio V. Bituin Jr.

Leftist daw kami. Makakaliwa. Marahil iyan din ang dahilan kung bakit kaliwang kamao ang aming itinataas tuwing inaawit namin ang walang kamatayang kantang Internasyunal.

Nakita ko rin ang dalawang litratong inilathala ng dalawang grupo kung saan nakataas ang tikom na kaliwang kamao nina Ka Eddie Guazon, (Agosto 13, 1925 - Mayo 19, 1989), ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at ni Filemon "Ka Popoy" Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001), ang unang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang litrato ni Ka Eddie Guazon na nakataas ang kuyom na kaliwang kamao ay nalathala sa inilabas na magasin para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan noong 1990. Makikita sa nakakwadrong litrato ni Ka Eddie ang mga titik na KPML. Nagisnan ko na rin noon pang 2001, nang maging staff ako ng KPML, na nakasabit ang kwadrong ito ni Ka Eddie sa tanggapan ng KPML.

Ang litrato naman ni Ka Popoy Lagman na nakataas ang kuyom na kaliwang kamao ay nalathala sa inilabas na imbitasyon ng Teatro Pabrika para sa Konsyerto ng Pagpupugay noong Abril 27, 2001, na ginanap sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Ginawa rin nilang kober ang imbitasyong iyon sa album ng mga litrato ng naganap na konsyerto.

Nakagisnan ko nang itinataas ang kaliwang kamao sa maraming pagtitipon, mula nang maging kasapi ako ng kilusang sosyalista noong 1993, lalo na sa pagtatapos ng isang rali kung saan inaawit ang Internasyunal. Subalit bakit nga ba tayo tinawag na makakaliwa o leftist?

Sa artikulong "Where Did the Terms 'Left Wing' and 'Right Wing' Come From?" ng history.com, ay ganito ang nakasulat:

"Today the terms 'left wing' and 'right wing' are used as symbolic labels for liberals and conservatives, but they were originally coined in reference to the physical seating arrangements of politicians during the French Revolution. 

The split dates to the summer of 1789, when members of the French National Assembly met to begin drafting a constitution. The delegates were deeply divided over the issue of how much authority King Louis XVI should have, and as the debate raged, the two main factions each staked out territory in the assembly hall. The anti-royalist revolutionaries seated themselves to the presiding officer’s left, while the more conservative, aristocratic supporters of the monarchy gathered to the right." 

Halos ganito rin ang nakasulat sa en.wikipedia.org: "The political terms 'Left' and 'Right' were coined during the French Revolution (1789–1799), referring to the seating arrangement in the French Estates General: those who sat on the left generally opposed the monarchy and supported the revolution, including the creation of a republic and secularization, while those on the right were supportive of the traditional institutions of the Old Regime."

Nasa kaliwa o makakalikwa ang nais ng pagbabago, nasa kaliwa ang lumalaban sa naghaharing uri, nasa kaliwa ang sumusuporta sa rebolusyon. Nasa kanan o makakanan ang naghaharing uri, burgesya, elitista, tagapagtaguyod ng pribadong pag-aari at mga alipores nilang pulis at militar.

Kaya nga ang pagtaas ng kaliwang kamao ay tanda rin ng pagiging kaliwa, lalo na sa ideyolohiya, sa adhikaing pagbabago para sa lahat, at hindi para sa iilan. Halina't itaas natin ang kaliwang kamao tanda ng ating pagkatao bilang mga sosyalistang nakikibaka para sa sosyalismo.

Pinaghalawan:
https://www.history.com/news/how-did-the-political-labels-left-wing-and-right-wing-originate
https://en.wikipedia.org/wiki/Left-wing_politics

Bakit nasa blog ang aking mga tula

alam mo ba kung bakit agad kong inilalagay
sa blog ang aking mga tula? upang di mawala!
nasa mundo na ng internet, di na mawawalay
ang mga pinaghirapan kong tula't ibang akda

dahil pag namatay ako, baka maibasura
lamang ni misis ang mga tulang aking tinipon
dahil ayaw niyang ibahagi ko lang sa masa
ang aking kinatha kundi itago ko't maipon

kung kailangang may isumite sa patimpalak
may mahuhugot daw akong piyesang nakatago
subalit ayoko namang tula ko'y nakaimbak
walang mag-asikaso't baka tuluyang maglaho

kinakatha ko na'y pamana ng henerasyon ko
para sa mga henerasyong di na magigisnan
ano bang paninindigan ng tulad kong blogero
anong nangyayari ngayon, anong ipinaglaban

ano ang kamatis at mga karaniwang bagay
nangyari sa sinalanta ni Ondoy at Yolanda
kinakatha ko'y sa blog na agad kong nilalagay
nang tula'y di na mawala, lalo't ako'y patay na

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 1, 2020

Ang Diwata ng Gubat

napakaganda ng kanyang mukhang di masilayan
sabik nang makita ang diwata ng kagubatan
nawa'y makaharap ang pangarap kong paraluman
tulad ni Maryang Makiling o Maryang Sinukuan

diwata ng kagubatan ay makikita ko rin
pangako sa sarili, mutya'y dapat kong maangkin
dapat na akong magtungo sa puno ng mulawin
o sa apitong na pitong ulit kong aakyatin

ako'y isang makatang nahirati na sa lumbay
nais ko ring lumigaya't puso naman ang pakay
pagkat diwata ng gubat ang laging naninilay
lalo na't adhikain niring puso'y gintong lantay

ayoko nang mabusog sa awit na malulungkot
nagsisikap akong lumbay ay tuluyang malagot
nawa diwata ng gubat ay aking mapasagot
at dadalhin siya sa kaharian ko sa laot

- gregbituinjr.