Biyernes, Hunyo 7, 2024

Pag-uwi

PAG-UWI

nahihimbing si muning
nang ako ay dumating
habang aking binuklat
ang nabili kong aklat

nagbasa-basa muna
nang may maalaala
kinuha ang kwaderno
agad nagsulat ako

isa munang taludtod
dahil lapis na'y pudpod
natapos ko ang saknong
ngunit kayraming tanong

paano aakdain
ang bawat simulain
na habang nagninilay
asam ko'y magtagumpay

nang alaga'y magising
binigyan ng pagkain
ako'y napatingala
at may bago nang paksa

- gregoriovbituinjr.
06.07.2024

Ang aking tibuyô

ANG AKING TIBUYÔ

di ko pa rin nalilimutan
ang tinuro noon ni ama
na para sa kinabukasan
mag-ipon kahit barya-barya

kaya imbes aking itapon
ang wala nang lamang alkohol
ginawa kong tibuyô iyon
nang balang araw may panggugol

limang piso, sampung piso man
o kaya'y baryang bente pesos
walang bisyong ginagastusan
kaya sadyang tipid sa gastos

walang toma at walang yosi
barya'y isuot sa tibuyô
gulay at isda, walang karne
tiyak may mahahangong buô

kay ama, maraming salamat
at kahit paano'y may pera
payo niya'y nakapagmulat
at naiwas ako sa dusa

- gregoriovbituinjr.
06.07.2024

P59 bawat aklat

P59 BAWAT AKLAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakamura ako ng bili ng mga aklat. Buti't nagtungo ako sa 25th Philippine Academic Book Fair sa Megatrade Hall 1, sa SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong. Sa UP Press ay maraming bargain na aklat sa halagang P59 bawat isa at may ilang P30 naman. Tatlong aklat ng tulang binili ko'y akda ng dalawang national artist for literature. Dalawa kay Gemino H. Abad at isa kay Cirilo H. Bautista.

Huling araw na pala iyon ng tatlong araw na book fair kaya agad akong pumunta. Kabibigay rin lang ng alawans ko mula sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) kung saan naglilingkod ako roon bilang halal na sekretaryo heneral. Imbes na alak at sigarilyo (di naman ako nagyoyosi) at bilang mananaludtod ay bisyo kong mangolekta ng aklat pampanitikan kaya iyon ang pinagkagastusan ko. Nagtira naman ako para sa pang-araw-araw na gastusin. Bihira lang naman ang ganitong book fair.

Nilibot ko muna ang buong paligid. Iba't ibang publishing house ang kalahok doon. At agad akong tumigil nang makita ko na ang booth ng University of the Philippines Press, at sa dakong bargain ay nakita ko ang mga pinangarap kong libro noon, na ngayon ko lang nabili.

Binili ko ang mga sumusunod na aklat:
1. Ang Gubat - ni William Pomeroy (kanuuang 380 pahina, 52 pahina ang Roman numeral, at 328 ang naka-Hindu Arabic numeral) 
2. Bilanggo - ni William Pomeroy (232 pahina sa kabuuan, kasama na ang 18 pahinang naka-Roman numeral)
3. Mula sa mga Pakpak ng Entablado - ni Joi Barrios (322 ang kabuuang pahina)
4. Pag-aklas / Pagbaklas / Pagbagtas - ni Rolando B. Tolentino (314 ang kabuuang pahina)
5. Mindanao on My Mind and Other Musings - ni Nikki Rivera Gomez (274 ang kabuuang pahina)
6. Canuplin at iba pang akda ng isang manggagawang pangkultura - ni Manny Pambid (454 ang kabuuang pahina)
7. Makinilyang Altar - ni Luna Sicat-Cleto (166 ang kabuuang pahina)
8. Decimal Places - Poems - ni Ricardo De Ungria (134 ang kabuuang pahina)
9. Where No Works Break, New Poems and Past - ni national artist for literature Gemino H. Abad (190 ang kabuuang pahina)
10. The Light in One's Blood: Select Poems, 1973-2020 - ni national artist for literature Gemino H. Abad (368 ang kabuuang pahina)

May iba pa akong nabiling aklat, dalawang tigsandaang piso at tatlong tigte-trenta pesos. Opo, P30 lang, ganyan kamura.

Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na "Ang Luwa at Iba Pang Tula ni Jose Badillo" pagkat nabanggit na ito sa akin ilang taon na ang nakararaan ni Ka Apo Chua, na isang makatang Batangenyo. Isa si Ka Apo sa mga tatlong editor ng nasabing aklat. Binubuo ito ng 390 pahina, kung saan ang 30 pahina ay nakalaan sa Talaan ng Nilalaman, Pagkilala at Pasasalamat, at Introduksyon ni Ka Apo Chua. Nakatutuwang nabili ko na ang aklat na ito ngayon at sa murang halagang P100.

P100 rin ang "Migrations and Mediations: The Emergence of Southeast Asian Diaspora Writers in Australia, 1972-2007" (474 kabuuang pahina) ni Jose Wendell P. Capili.

Tigte-trenta pesos naman ang mga makasaysayang akdang Lupang Hinirang (140 ang kabuuang pahina) ni Pedro L. Ricarte, na unang nilathala ng Philippine Centennial Commission, ang Tinik sa Dila, isang Katipunan ng mga Tula (158  ang kabuuang pahina) ni national artist for Literature Cirilo F. Bautista, at ang Himagsik ni Emmanuel (184 na pahina) ni Domingo Landicho, na agad namang binasa ng aking pamangkin.

Mahahalaga ang mga aklat na ito, na halos lahat ay pampanitikan, at ang iba'y pangkasaysayan, na magandang ambag sa munti kong aklatan.

Taospusong pasasalamat talaga sa UP Press na nagbenta ng aklat nila sa murang halaga. Mabuhay kayo, UP Press!

Aabangan ko ang mga susunod pang Philippine Academic Book Fair dahil masaya ang pakiramdam na naroroon ka sa mga ganoong malaking aktibidad.

06.07.2024

Dagim

DAGIM

isang uri ng ulap ang dagim
dala'y ulan, ulap na maitim
pag tanghali'y biglang kumulimlim
tingni't dagim na kaya nagdilim

sa Ingles, ito pala ang nimbus
kung di ulan, dala nito'y unos
kung nasa lungsod, baha'y aagos
kung lupa'y tigang, tuwa mo'y puspos

gamitin ang sariling salita
sa ating kwento, dula o tula
sa sanaysay, ulat o balita
upang mabatid ito ng madla

ngayon nga'y agad kong nalilirip
pag may dagim, tapalan ang atip
maghanda bago tayo mahagip
dapat tao't gamit ay masagip

- gregoriovbituinjr.
06.07.2024

* dagim - ulap na maitim at nagdadala ng ulan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 250

Huwebes, Hunyo 6, 2024

20,322 - 11,103 = 9,219

20,322 - 11,103 = 9,219

dalawampung libo, tatlong daan, dalawampu't dalawa
sa unang labimpitong buwan lang, bilang ng napaslang na
adik, ayon kay Chel Diokno, sa Kongreso'y sinabi niya
panahon ni Digong ay madugong panahon ng hustisya

halos apat na libo sa operasyon ng kapulisan
higit labing-anim na libo'y riding-in-tandem dawnaman
di pa kasama ang natirang apatnapu't tatlong buwan
ng rehimen, baka pag sinama'y lumaki pa ang bilang

ah, sinong mananagot sa mga pagkamatay na ito?
lahat ba sila'y nanlaban kaya pinaslang ng berdugo?
ikumpara mo: labing-isang libo, sandaan at tatlo
halos kalahati ang bilang ng biktima ng martial law

tingnan ang katwiran nila, na dapat lang nating malirip
dahil adik, wala sa katinuan, baka ka mahagip
gumagawa ng masama, dahil di matino ang isip
dapat unahan upang sa krimen nila tayo'y masagip

maganda ang intensyon, subalit mali ang pamamaraan
kayraming inang nawalan ng anak, hingi'y katarungan
hustisya kaya'y makakamit ng mga ina't ng bayan?
sinong huhuli sa utak kung ito'y makapangyarihan?

- gregoriovbituinjr.
06.06.2024

* Ulat mula sa Inquirer.net, June 5, 2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto ko na naman / ay ginisang sardinas
na sinahog ko'y bawang, / kamatis at sibuyas
pagkain ng mahirap, / kinakain kong wagas
na habang nangangarap / ng lipunang parehas
ay nawiwili namang / makisalo madalas

sa katoto't kasamang / gaya ko'y maralita
kasama sa lansangan / ng uring manggagawa
kami'y nakikibaka / habang kinakalinga
ang kapwa mahihirap / na sangkahig, santuka

ginisang sardinas man / ang aming inuulam 
saya ng kalooba'y / sadyang mararamdaman
habang nagkakaisang / itatayo ang asam
ang magandang sistema't / makataong lipunan

-gregoriovbituinjr.
06.06.2024

*mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/swTjeGQ1Cn/ 

Polyeto

POLYETO

isa sa madalas kong / basahin ay polyeto
na pinaghahalawan / ng iba't ibang isyu
na siya kong batayan / ng mga tula't kwento
na inilalathala / sa blog at sa diyaryo

anong paninindigan / ng dukha't manggagawa
sa maraming usaping / apektado ang madla
ang kontraktwalisasyon, / pabahay, gutom, sigwa,
sahod, ChaCha, giyera, / lupang tiwangwang, baha

marapat isaloob / ng abang manunulat
ang laman ng polyeto / upang makapagmulat
paano isasalin / sa kanyang sinusulat
ang tindig at prinsipyong / sa polyeto'y nabuklat

ang polyeto'y basahin, / basahin ng mataman
ang isyu'y isaloob, / isapuso ang laman
upang pag nagsulat na / ng kwento't sanaysay man
ay di ka maliligaw / sa tinahak mong daan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2024

Ang tula'y aking tulay

ANG TULA'Y AKING TULAY

ang tula'y aking tulay
sa masang matatatag
sa kanila ko alay
bawat paksang nilatag

halimbawa'y dalita
ramdam lagi ang hirap
di basta kawanggawa
ang dapat na malasap

kundi ang pagbabago
nitong sistemang bulok
sa tula ba'y paano
sa pagkilos mag-udyok

kaya sa adhikaing
baguhin ang sistema
makata'y may tungkuling
pagkaisahin sila

tula'y pagpapatuloy
ng saknong at taludtod
kahit na kinakapoy
pagtula'y aking lugod

tula'y tulay ko't layon
sa dukha't sambayanan
ito ang aking misyon
sa daigdig at bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2024

Miyerkules, Hunyo 5, 2024

Hunyo 5, 2024

HUNYO 5, 2024

ikasandaan dalawampu't limang anibersaryo
ng pagkakapaslang kay Heneral Antonio Luna
at ikasampung anibersaryo ng kamatayan
ng magiting na kasamang si Ka Romy Castillo

ginugunita'y pang-apatnapung anibersaryo
ng World Environment Day, ito'y isang paalala
kaarawan din ng katotong Danilo C. Diaz
makatang kilala sa kanyang mga tula't bugtong

pagpupugay sa lahat ng mga may kaarawan
ngayong ikalima ng Hunyo, mabuhay po kayo!
di ko man mabanggit sa tula ang inyong pangalan
ang mahalaga'y personal ang pagbati sa inyo

ngayong World Environment Day, isipin ang daigdig
pakiramdaman mo't puso ng mundo'y pumipintig
sa pagprotekta nito, tayo na'y magkapitbisig
at huwag hayaang sistemang bulok ang manaig

- gregoriovbituinjr.
06.05.2024

Heneral Antonio Luna (Oktubre 29, 1866 - Hunyo 5, 1899)
Ka Romy Castillo (Marso 8, 1952 - Hunyo 5, 2014), dating bilanggong pulitikal noong panahon ng batas militar at unang pangulo ng Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago (BMP) (circa 1993)
World Environment Day - first held in 1974
* mga litrato mula sa google

Pananghalian

PANANGHALIAN

kamatis, pipino't sibuyas ang pananghalian
habang ang inumin ko naman ay nilagang bawang
nagtitipid na'y nagpapalakas pa ng katawan
iwas-karne, at habang walang isda'y gulay naman

mabuti ngang kalusugan pa rin ang nasa isip
bagamat maraming suliranin ang halukipkip
lagi mang sa putik nakatapak ay nalilirip
ang mga pagkilos naming marami ring nahagip

ah, payak na pananghalian ngunit pawang gulay
busog ka na, diwa't kalooban mo pa'y palagay
mabuting pampalusog habang dito'y nagninilay
upang makapagsulat ng kwento, tula't sanaysay

tara, mga katoto, at ako'y saluhan ninyo
tulad ko'y tinitiyak kong mabubusog din kayo

- gregoriovbituinjr.
06.05.2024

Nais ko pa ring mag-aral

NAIS KO PA RING MAG-ARAL

di pa huli ang lahat / upang mag-aral muli
maganda ring tapusin / ang kurso kong pinili
kailangan ko lamang / talagang magpunyagi
gayong ako rin naman / ay di nagmamadali

o kaya'y palitan na / ang aking dating kurso
baka di na interes, / pumurol na ang ulo
di ko natapos noon / ang BS Math kong kurso
dahil agad nagpultaym / yakap ang aktibismo

baka kunin ko ngayon / BS Pilipino na,
malikhaing pagsulat / o pagdidiyarista
hahanapin kung saan / nababagay talaga
na pagtutuunan ko / ng sakripisyo't pwersa

bagamat aktibismo'y / di ko naman iiwan
sapagkat ako'y isang / aktibistang Spartan
adhika ko lang ngayo'y / makapagtapos naman
ng kursong nababatay / sa aking kakayahan

edad ko'y kalahating / siglo na ring mahigit
halos tatlong dekadang / pultaym, ngayon hihirit
taon ng pag-aaral / ay baka isang saglit
habang ipapasa ko / ang bawat pagsusulit

- gregoriovbituinjr.
06.05.2024

* litrato mula sa pahayagang Abante, 05.23.2024, p.8

Buklog

BUKLOG

ayon sa diksyunaryo, may entabladong sayawan
tinatawag na buklog ang estrukturang kawayan
na ang taas ay abot dalawampung talampakan
ginagamit na sayawan kapag may pagdiriwang

nakikinita ko na sa aking imahinasyon
na sa lalawigan ay palasak din ang ganoon
may estrukturang kawayan kapag may selebrasyon
salamat, may buklog, katutubong salita iyon

baka magandang gamitin ang nasabing salita
sa mga kwento, tula't balita kong inaakda
tungkulin ko ring pasikatin ang ganyang kataga
bilang pagpapayabong na rin sa sariling wika

subalit laliman pa natin ang pananaliksik
kung buklog ay wastong gamitin, di basta isiksik
lalo't pag may nasaliksik, ako na'y nananabik
na gamitin ito sa mga kathang sinatitik

sa pananaliksik, ito'y ritwal pasasalamat
ng mga Subanen, katutubo sa komunidad
di lang estrukturang kawayan, kundi kalinangan
ng mga katutubo sa kanilang pagdiriwang

pasasalamat dahil ani nila'y masagana
pagkaligtas mula sa karamdaman o sakuna
sa mga bagong hirang na pinuno'y pagkilala
di lamang estrukturang kawayan kundi kultura

- gregoriovbituinjr.
06.05.2024

Pinaghalawan:
UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 200

Martes, Hunyo 4, 2024

Pag-aralan ang kasaysayan

PAG-ARALAN ANG KASAYSAYAN

"Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." 
~ Gregoria 'Oriang' de Jesus, Lakambini ng Katipunan

ating pag-aralan ang kasaysayan
nang maunawaan ang nakaraan
upang pagkakamali'y maiwasan
upang maayos ang tahaking daan
tungo sa inaasam na lipunan

bagamat minsan ay nakayayamot
pag-aralan ito'y nakababagot

kakabisaduhin ang mga petsa
di alam bakit sasauluhin pa
para lang ba sa subject ay pumasa?
pag nakapasa'y kakalimutan na?

mula sa nakaraan ay matuto
ninuno'y binuo ang bansang ito
at ipinaglaban ang laya nito
laban sa mapagsamantalang dayo
at kapitalistang mapang-abuso
na nang-aapi sa uring obrero

bakit mamamayan ay naghimagsik
laban sa dayuhang ganid at switik
laban sa kaapihang inihasik
ng mananakop na sa tubo'y sabik

bakit nakamit natin ang paglaya
laban sa mananakop na Kastila
laban sa Hapon at Kanong kuhila
laban sa diktador na mapamuksa
laban sa nang-api sa manggagawa
laban sa nagsamantala sa dukha
laban sa nandambong sa ating bansa

halina't aralin ang kasaysayan
ng bayan, ng sistema't ng lipunan
hanggang maitayo sa kalaunan
ang asam na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024