Martes, Hunyo 8, 2021

Itapon ng tama ang mga gamit na facemask

ITAPON NG TAMA ANG MGA GAMIT NA FACEMASK

magtatag-ulan na raw muli, ayon sa balita
at sila'y nagpapaalala sa mga burara
mga basura'y babara sa kanal, magbabaha
bukod sa plastik, pati facemask ay malaking banta

di mo ba batid na palutang-lutang na sa laot
ang mga upos at plastik na nakabuburaot
baka madagdag pa ang facemask, lalong nakatatakot
sa basura'y maituturing na tayong balakyot

baka facemask ay nasa dagat na sa isang kisap
tao nga'y burara't pabaya pag ito'y naganap
napakapayak lang naman ng aming pakiusap
facemask ay wastong itapon nang walang pagpapanggap

sinong sisisihin sa facemask na naging basura
at kung saan-saan na lang ito nangaglipana
pag nagbaha't tumila ang unos, anong nakita
sa mga baradong kanal, pulos facemask na pala

baka pa makahawa ang facemask na itinapon
pag naglipana ang facemask, dagdag pa sa polusyon
mabuti pa'y ibigay sa city garbage collection
batid nila kung saan wastong itatapon iyon

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021.
World Oceans Day

Keyboard

KEYBOARD 

ah, sira na ang keyboard ng dekstop sa opisina
na ginagamit ng bayan, pinantulong sa masa
keyboard na kaytagal nagsilbi para sa hustisya
simpleng gamit man ngunit tunay na lingkod talaga

natigil ang lahat ng trabaho, di mapakali
bumigay ang keyboard, di kinaya, di na sumindi
kaya napagpasyahang bagong keyboard ay bumili
pinagluksa na ang keyboard na kaytagal nagsilbi

tila sa buong katawan ay may biglang napilay
tila sa buong puso'y para bagang may namatay
nang may bagong keyboard na'y tila ba muling nabuhay
dahil patuloy ang ginagawa't ang pagpapanday

may bagong keyboard na magsisilbi sa manggagawa,
kababaihan, kabataan, magsasaka, dukha,
at sa iba pang maliliit na sektor ng madla
bagong nagsisilbing ito'y ingatan nating kusa

sa mga dokumento'y saksi ang dating keyboard
kaytagal kasama sa pakikibaka't pagkayod
upang lipunang makatao'y sadyang itaguyod
maraming salamat sa ilang taong paglilingkod

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021.
World Oceans Day

Tula sa World Oceans Day 2021

TULA SA WORLD OCEANS DAY 2021

karagatan na'y nalulunod sa upos at plastik
mga ito'y unti-unting nagiging microplastic
na kinakain na ng mga isdang matitinik
halina't dinggin mo ang dagat sa kanyang paghibik

nagsiksikan na ang basura sa bahura't tangrib
basura'y kayrami sa mga aplayang liblib
tila baga dambuhala itong naninibasib
sa daigdig nating  tahanang masakit sa dibdib

nilulunod natin ang karagatan sa basura
oo, nilulunod ng tao, may magagawa ba
kung magtutulungan pa ang tao't may disiplina
may magagawa pa upang dagat ay makahinga

sa ganang akin, ako'y nakiisa sa Ecobrick
na pandaigdigang liga ng mga nag-ekobrik
sa upos nga'y sinimulan din ang yosibrick project
nagsisiksik ng upos at plastik sa boteng plastik

kaya ngayong World Oceans Day, tayo'y muling magnilay
paanong sa susunod na henerasyon tutulay
ah, umpisahan muna sa panahon nating taglay
para sa kinabukasan ay kumilos nang sabay

- gregoriovbituinjr.
06.08.2021.
World Oceans Day

Lunes, Hunyo 7, 2021

Pagsulat at pagtipa ng akda

PAGSULAT AT PAGTIPA NG AKDA

kailangang itipa anumang nasasaisip
kahit pa nga ito man ay mula sa panaginip
may kwaderno't pluma ka bang palaging halukipkip
upang maitala agad ang iyong nalilirip

tulad na lamang ng bagsik ng alamid sa parang
o noong akala mo'y hahabulin ka ng musang
o may leyong paparating kaya ka nagulantang
o dahil sa takot ay nagising kang parang hibang

may diwatang sumasayaw sa karimlang pusikit
habang dinig ang siyap ng kaawa-awang pipit
habang may pulubing ang suot ay gula-gulanit
habang sa mga nangyayari'y di ka makapikit

paano nila inakda ang palalong pag-ibig
ng mayamang lalaking sa dukhang dilag umibig
paano ikwento ang manggagawang kapitbisig
upang mapang-api't mapagsamantala'y mausig

habang ako'y naririto, susulat nang susulat
kakathain ang anumang dapat maisiwalat
dahil ako'y makatang tibak, misyon ay magmulat
upang masa'y sama-samang kumilos at dumilat

susulat, lilikha, kakatha, aakda, ako pa
tutula at patuloy sa nasimulang nobela
kahit wala mang kompyuter o kaya'y makinilya
matiyaga akong magsusulat gamit ang pluma

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day

Anang isang paham

ANANG ISANG PAHAM

nakatunganga akong lumbay ang katalamitam
nang mapadako ang pansin sa babasahing tangan
doon nga'y nakita ang sinabi ng isang paham
lalo na't hinggil sa ating pantaong karapatan

anya, mga karapatan ay di galing sa langit
kundi galing sa pakikibaka, ito'y nakamit
pinaglaban ito ng mga api't maliliit
iyan ang katotohanang itinatagong pilit

animo'y balaraw ang kanyang salita, matalim
nakasusugat sa mga pusong may paninindim
o kaya'y kapara ng laot sa dagat, malalim
dapat sisirin upang maarok ang salamisim

habang naglalakbay pauwi sa munti kong lungga
naninilay ang sinabi ng paham na dakila
at tila ako'y natulalang biglang nagmakata
ah, laksa'y dalita, iilan ay nagpapasasa

nakukuha lang ang diyamante sa laksang putik
na maaari kang malunod o mata'y tumirik
kaya karapatang pantao'y dapat lang matitik
sa budhi ng bawat isang walang patumpik-tumpik

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakbay pauwi galing sa isang lalawigan

Kumain ng sapat at magpalakas

KUMAIN NG SAPAT AT MAGPALAKAS

Ayos bang pabigat ng pabigat ang iyong timbang?
Basta ba huwag kang maging pabigat sa tahanan?
Nagsisikap ka pa rin para sa kinabukasan
At ang mahal mong pamilya'y pinangangalagaan

Ngunit katawan mo'y alagaan mo ring mabuti
Baka pabigat ng pabigat ka'y di mapakali
At baka di ka na makalakad sa bandang huli
Tandaan mong ang pagsisisi'y laging nasa huli

Maya-maya lang ay pipitas na ng igugulay
Aba'y nagbunga rin ang malaon mong paghihintay
Tunay ngang nagbubunga rin ang bawat pagsisikhay
Upang sa pamilya'y di maging pabigat na tunay

Isda'y piprituhin, gulay ay isapaw sa kanin
Maya-maya pamilya'y salu-salo sa pagkain
Marami mang nakahain, sapat lang ang kainin
Upang di bumigat ang timbang na di kakayanin

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day

Linggo, Hunyo 6, 2021

Sadako versus Kayako

SADAKO VERSUS KAYAKO

"Sadako versus Kayako" ang pamagat ng sine
panonoorin kong palabas mamaya sa T.V.
tila hinahatak ako nito't binibighani
upang ako'y maging saksi sa anumang mangyari

sa dako pa roon ay kaya ko bang panoorin
ang kwentong katatakutan daw na dapat alamin
buting mapanood upang kwento'y mabatid ko rin
kung bakit silang dalawa'y paglalaban-labanin

naeengganyo ako sa mga pangalan nila
Sadako versus Kayako, na kahali-halina
Sa Dako roon ba'y Kaya Ko panoorin sila
sige lang, panonoorin ito, wala nang iba

mga sikat na kwentong Hapones, katatakutan
balahibo mo'y titindig habang nasa sinehan
kwento ba itong naglalarawan ng kamatayan
o kung di handa ang puso mo, kwentong ito'y iwan

malaking hamon ito sa tulad kong manunulat
na kung ako ba'y pipikit na lang o mumulagat
ako'y manonood nang malaman ang lahat-lahat
kung gaano kalupit ang kanilang kwento't banat

- gregoriovbituinjr.
06.06.2021

* ipapalabas ito sa ganap na ikawalo ng gabi sa Channel ng Heart of Asia, 6 Hunyo 2021

Kalatas sa aking mga apo, Liham 2

KALATAS SA AKING MGA APO, LIHAM 2

apo, Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran
tuwing ikalima ng Hunyo, inyo ngang tandaan 
ito'y paalalang dapat din kayong makialam
upang alagaan ang daigdig nating tahanan

tingan ninyo, basura'y palutang-lutang sa laot
tulad ng mga plastik at upos na nagsisuot
sa mga bahura't tangrib, basura'y pumulupot
sa ngayon, mundong ito'y ganito ang inaabot

marami namang ginawa ang aming henerasyon
ngunit sadya yatang di sapat ang nagawa't misyon
mga isda nga'y microplastic na ang nilalamon
tao'y kakainin naman ang mga isdang iyon

nabubulok at di nabubulok, pinaghiwalay
habang sa pabrika, plastik pa'y nililikhang tunay
sa plastik na di mabulok, produkto'y nilalagay
hanggang ngayon nga sa nangyayari'y di mapalagay

henerasyon nami'y may ginawa para sa inyo
subalit tawad ay hingi pa rin naming totoo
dahil sa problemang iniiwan namin sa inyo
ngunit ipinaglaban din namin ang mundong ito 

nabigo kaming baguhin ang bulok na sistema
na sanhi ng kahirapan, pagdurusa, basura
tinapon sa mga ilog ang galing sa pabrika
lupaing ninuno'y sinisira ng pagmimina

sana sa inyong henerasyon ay may magbabago
pakiusap ko lang, sana'y may magagawa kayo
upang pangalagaan ang tahanan nating mundo
para naman sa henerasyong susunod sa inyo

- mula kay Tata Goryo Bituin
06.06.2036

Kalatas sa aking mga apo, Liham 1

KALATAS SA AKING MGA APO, LIHAM 1

mabuhay kayo, mga apo ko, apo sa tuhod
at talampakan, ako'y nagsisipag sa pagkayod
upang magandang kinabukasan ay itaguyod
pagsulpot ninyo sa mundong ito'y nakalulugod

ang payo ko lang, apo, mag-aral kayong mabuti
basahin ang inyong aralin sa araw at gabi
magtapos kayo't paghandaan ang inyong paglaki
kolehiyo'y tapusin upang di kayo magsisi

basahin din ang Liwanag at Dilim ni Jacinto
na nagsabing "lahat ay iisa ang pagkatao"
ang Kartilya ng Katipunan ay basahin ninyo
at isabuhay tulad ng isang Katipunero

sa mga iyan pakikipagkapwa'y nasusulat
sa pagpapakatao't mabuting asal mamulat
sa bansang ito puso't diwa ninyo'y nakaugat
tinubuang lupang dapat ipagtanggol ng lahat

may mga tungkulin din kayo bilang mamamayan
na pag-aralan ninyo ang takbo nitong lipunan
bakit laksa'y naghihirap, may mayamang iilan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

magulang nyo'y igalang at sundin ng buong puso
mga apo, sana'y di n'yo danasin ang siphayo
munting hiyas lang ng karanasan ang aking payo
upang problema'y malutas ninyong di sumusuko

- mula kay Tata Goryo Bituin
06.06.2036

Sabado, Hunyo 5, 2021

May kontrata tayo sa daigdig

MAY KONTRATA TAYO SA DAIGDIG

may kontrata tayo sa daigdig nating tahanan
habang nasasaisip natin ang kinabukasan
ng ating bayan, ng lipunan, at kapaligiran
habang mga ibon ay nariyang nag-aawitan

may kontrata tayong pangalagaan ang paligid
upang sa basura'y di mangalunod at mabulid
alagaan ang kalikasan, huwag maging manhid
para sa kinabukasan ng lahat ng kapatid

may kontratang huwag gawing basurahan ang mundo
nagbarang plastik sa kanal ang sanhi ng delubyo
ang masamang ugaling tapon doon, tapon dito
o baka masisi pa'y populasyong lumolobo

may kontrata tayong dapat ayusin ang sistema
kundi man baguhin ito ng manggagawa't masa
mga ilog ang pinagtatapunan ng pabrika
na matagal nang ginagawa ng kapitalista

sa usaping climate justice, may Paris Agreement na
sa batas, may Clean Air Act tayo, may Clean Water Act pa
sa matitinding unos, nagiging handa ang masa
dapat nang itigil ang mapanirang pagmimina

may kontrata sa daigdig na di man natititik
ay huwag hayaang magkalat ang upos at plastik
alagaan natin ang kalikasang humihibik
at sa ekolohiya'y huwag magpatumpik-tumpik

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021.World Environment Day

Isa pang tula ngayong World Environment Day

ISA PANG TULA NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY

ngayong World Environment Day, taospusong pagbati!
sa kumikilos para sa pangkalikasang mithi
upang tahanang daigdig ay di namimighati...
laban para sa kapaligira'y maipagwagi

pagbati sa mga Climate Walker kong nakasama
pati rin sa Green Convergence, Alyansa Tigil Mina,
sa Ecowaste Coalition, Greenpeace, at Aksyon Klima, 
Kamayan Forum, at Climate Reality Project pa

sa World Wide Fund for Nature at sa Mother Earth Foundation,
sa Earth Island Institute, Save Philippine Seas, Haribon,
Waves for Water, Green Collective, at Green Thumb Coalition,
sa Green Research, Sagip-Gubat Network, kayrami niyon

sa Philippine Movement for Climate Justice na ang mithi
ay masaayos ang klima't isyu'y maipagwagi
kay misis, sa munti naming diyaryong Diwang Lunti,
ilan lang ang mga iyang sa labi'y namutawi

sa grupo o kaya'y partidong Makakalikasan,
Philippine Ethical Treatment of Animals din naman,
sa Ecobrick, sa Yosibrick project kong sinimulan,
paumanhin po kung may di nabanggit na samahan

ngayong World Environment Day, pagpupugay pong muli
magpatuloy tayo sa makakalikasang mithi
para sa kinabukasan natin, iba pang lahi
para sa kapaligiran, sa inyo'y bumabati

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021.World Environment Day

* litratong kuha sa 3rd Philippine Environment Summit na ginanap sa Cagayan de Oro noong Pebrero 2020

Patuloy akong kakatha

PATULOY AKONG KAKATHA

patuloy akong gagawa
ng mula sa puso'y tula
magninilay at kakatha
bagamat minsan tulala

at nakalutang sa hangin
kahit ano'y babanggitin
anumang paksa't damdamin
anumang haka't hangarin

basta't magpatuloy lamang
sa paghahanda ng dulang
upang manggang manibalang
ay akin nang matalupan

para sa tangi kong misis
paksa man ay climate justice
o dalitang nagtitiis
sa gutom, hapdi at hapis

sa suporta nyo'y salamat
habambuhay magsusulat
sige lang sa pagmumulat
upang masa'y magdumilat

sa mga katotohanang
nasisira'y kalikasan,
wasak ang kapaligirang
dapat nating alagaan

kaya dapat nagsusuri
nagninilay, naglilimi
na habang namumutawi
sa labi ang bawat mithi

patuloy akong kakatha
ng mula sa puso'y akda
magninilay at tutula
ng pangkalikasang diwa

- gregoriovbituinjr.
06.05.2021
World Environment Day

Tulang handog ngayong World Environment Day

TULANG HANDOG NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY

pagmulat nga'y naalala ang petsa't araw ngayon
nag-inat, papungas-pungas, saka biglang bumangon
kumusta ba ang lansangan, ang dagat sa pag-alon?
lulutang-lutang pa rin ba ang upos ng linggatong?

umuusbong ang mga pananim sa pasong plastik
na pinagtiyagaang itanim dahil pandemik
habang patuloy pa rin ang gawaing mag-ekobrik
na ginupit na plastik sa boteng plastik isiksik

anong dapat gawin upang di magbara ang kanal
dahil sa mga basurang itinapon ng hangal
sa kapaligiran man, may matututunang aral
na dapat ding magpakatao'y may magandang asal

mga edukado pa ba ang walang disiplina?
sapagkat tapon dito, tapon doon sa kalsada
kayrami nang lupaing sinira ng pagmimina
ilog pa'y pinagtatapunan ng kapitalista

ayaw nating malunod sa basura ang daigdig
na tahanan ng ninuno, kalaban, kapanalig
sa paglinis ng paligid, tayo'y magkapitbisig
at mga asal-burara ay dapat lang mausig

kayraming batas-pangkalikasan nang pinagtibay
na dapat aralin, basahin, mapagnilay-nilay
at ngayong World Environment Day, halina't magpugay
sa mga sa kalikasan nangangalagang tunay

- gregoriovbituinjr.06.05.2021