Huwebes, Mayo 16, 2024

Bagong balita

BAGONG BALITA

balita pa bang matatawag ang lumang balita?
o dapat bang bawat balita ay laging sariwa?
dapat bang mga balita'y maigsi o mahaba?
paano dapat mabilis ipabatid sa madla?

may kasabihan nga tayong "may pakpak ang balita,
may tainga ang lupa" ito man ay isyu ng dukha,
ng kawatan sa gobyerno, ng burgesyang kuhila,
ng aksidente, kamatayan, buhay ng dakila

iyang balita'y "history in a hurry", ika nga
anong nangyayari sa loob at labas ng bansa
kasaysayang isinusulat, inilalathala,
isinasahimpapawid, pasa-pasa sa madla

tiyakin lamang nating bawat balita ay tama
at di kumalat ang halibyong o pekeng balita

- gregoriovbituinjr.
05.16.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Ako'y abang makata

AKO'Y ABANG MAKATA

ako'y abang makata
tinutula'y pangmadla
para sa kapwa dukha
at uring manggagawa

adhika'y ilarawan
ang adhika sa bayan
na sa pamamagitan
ng sukat at tugmaan

ay maitataguyod
ang saknong at taludtod
na kinakathang lugod
bagamat walang sahod

makatang kapitbisig
sa dukhang di palupig
na marunong tumindig
sa wasto't nakikinig

tulad ng pangangahas
maitayo ang patas
at lipunang parehas
na puso ang nag-atas

- gregoriovbituinjr.
05.16.2024

Miyerkules, Mayo 15, 2024

Silang bumubuhay sa lipunan

SILANG BUMUBUHAY SA LIPUNAN

samutsaring manggagawa
kakarampot lang ang sahod
kung saan-saan sa bansa
makikitang todo kayod

at tunay na nagsisikap
sa trabaho'y nagpapagal
upang kamtin ang pangarap
na anak ay mapag-aral

sweldo man nila'y kaunti
malaki ang ambag nila
upang bansa'y manatili't
lumago ang ekonomya

tanging nais kong sabihin
obrero ang bumubuhay
sa bansa't sa mundo natin
sa kanila'y pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
05.15.2024

Martes, Mayo 14, 2024

Titisan

TITISAN

anong gagawin sa mga lata
matapos sardinas ay ulamin
mga lata'y ibabasura na?
o sa lata tayo'y may gagawin?

sabi nila, tayo'y magresiklo
huwag basta tapon dito't doon
kaya naisip sa latang ito
gawing ashtray o titisan iyon

ang lagayan ng titis ng yosi
ay tulong na sa kapaligiran
upang paligid ay di dumumi
munting proyekto man ang titisan

nang di basta ikalat sa sahig
ang titis na di nila mawalis
sana sa atin ay may duminig
kahit nagyoyosi pa'y mainis

- gregoriovbituinjr.
05.14.2024

Lunes, Mayo 13, 2024

Xanadu

XANADU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May awitin noon si Olivia Newton-John na ang pamagat ay Xanadu. Pamilyar pa ako hanggang ngayon sa tono ng nasabing awit.

Hanggang sa mabili ko sa Fully Booked ang aklat na Khubilai Khan, Lord of Xanadu, Emperor of China, na inakda ni Jonathan Clements.

Binalikan ko ang liriko ng awit. Narito ang ilang talata:

A place where nobody dared to go
The love that we came to know
They call it Xanadu (it takes your breath and it'll leave you blind)
And now, open your eyes and see
What we have made is real
We are in Xanadu (you dream of it, we offer you)
A million lights are dancing and there you are, a shooting star
An everlasting world and you're here with me, eternally
Xanadu, Xanadu
(Now we are here) in Xanadu

Isinalin ko ito sa wikang Filipino:

Isang lugar kung saan walang nangahas pumunta
Ang pag-ibig na ating nabatid
Tinatawag nila iyong Xanadu (tangay nito ang iyong hininga't iiwan kang bulag)
At ngayon, buksan mo ang iyong mga mata at tingnan
Kung ginawa natin ay totoo
Tayo'y nasa Xanadu (pinangarap mo ito, iniaalok namin sa iyo)
Isang milyong ilaw ang sumasayaw at narito ka, isang bulalakaw
Isang mundong walang hanggan at narito ka sa piling ko, magpakailanman
Xanadu, Xanadu
(Narito na tayo ngayon) sa Xanadu

Tila baga ang Xanadu na tinutukoy sa awit ay isang paraiso ng pag-ibig na walang nangahas magpunta dahil marahil malayo sa tunay na daigdig. O kaya'y isang lungsod ng mga ilaw na nasa kalawakan.

Subalit ang apo ni Genghis Khan, pinuno ng Mongolia noon, na si Khubilai Khan, ayon sa aklat na nabili ko, ay Lord of Xanadu, Emperor of China, o Panginoon ng Xanadu, Emperador ng Tsina. Nasa loob ba ng Tsina ang Xanadu, o nasa katabing lugar nitong Mongolia?

Naging duguan ba ang lupa ng Xanadu dahil sa pananakop nina Genghis Khan, at sumunod ay ang kanyang apong si Khubilai Khan? Sa awit, ang Xanadu ay isang lugar na hindi mapuntahan. Marahil, dahil ba isa na itong malawak na sementeryo na kayraming pinaslang ang hukbong pinamunuan ni Khubilai Khan? Ano ang itsura ng Xanadu ni Khubilai Khan?

Ayon sa Wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Xanadu), Xanadu may refer to: Shangdu, the summer capital of Yuan dynasty ruled by Khubilai Khaan, grandson of Genghis Khaan.
- a metaphor for opulence or an idyllic place, based upon Samuel Taylor Coleridge's description of Shangdu in his poem Kubla Khan

(Ang Xanadu ay maaaring tungkol sa: Shangdu, ang summer capital ng Yuan dynasty na pinamumunuan ni Khubilai Khaan, apo ni Genghis Khaan.
- isang metapora para sa karangyaan o isang lugar na may kaaya-ayang pamumuhay, batay sa paglalarawan ni Samuel Taylor Coleridge sa Shangdu sa kanyang tulang Kubla Khan

Ayon muli sa Wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Shangdu): Ang Xanadu o Shangdu ay matatagpuan sa kasalukuyang Zhenglan Banner, sa loob ng Mongolia. Noong Hunyo 2012, ginawa itong World Heritage Site para sa makasaysayang kahalagahan nito at para sa kakaibang paghahalo ng kulturang Mongolyano at Tsino.

Inilarawan din ito ng makatang si Samuel Taylor Coleridge sa kanyang tulang Kubla Khan, na ang unang talata ay ito:

In Xanadu did Kubla Khan
A stately pleasure-dome decree:
Where Alph, the sacred river, ran
Through caverns measureless to man
Down to a sunless sea.
So twice five miles of fertile ground
With walls and towers were girdled round;
And here were gardens bright with sinuous rills
Where blossom'd many an incense-bearing tree;
And here were forests ancient as the hills,
Enfolding sunny spots of greenery.

Balak kong isalin sa wikang Filipino ang buong tula ni Coleridge na nasa limampu't apat na taludtod. Subalit hindi pa magawa ngayon. Gayunpaman, nakahilera na ito sa aking mga planong tulang salin.

Sa ngayon, nais ko munang kumatha ng tula hinggil sa Xanadu:

XANADU

isang awiting narinig noon
inawit ni Olivia Newton-John
nakahahalinang dinggin iyon
pagkat mapapaindak ka roon

ang Xanadu'y isang lugar pala
tawag din ay Shangdu sa Mongolia
doon si Kubla Khan nakilala
at si Genghis Khan ay lolo niya

nakabili nga ako ng libro
naakit na ako ng titulo
ang "Khubilai Khan, Lord of Xanadu"
aba'y Xanadu, pamilyar ako

babasahin ko ang talambuhay
ni Khubilai Khan, at magninilay
ang Xanadu ba kung malalakbay
ay mapuntahan ko kayang tunay?

05.13.2024

Ang bisyo ko'y dyaryo

ANG BISYO KO'Y DYARYO

wala akong bisyo tulad ng toma't yosi
ngunit araw-araw gumagastos ng bente
pesos sa mga dyaryong Pang-Masa't Abante
pag isa'y wala, Bulgar ipapalit dini

tumatagay din minsan kapag may okasyon
buti pa ang dyaryo't may mga ulat doon
ano na bang nangyayari sa bansa ngayon?
anong isyung pambayan ang di mo malulon?

balita, tsismis, kasaysayan, kaalaman
mayroon ding nobelang sinusubaybayan
hanap-salita at krosword, palaisipan
aritmetik at sudoku, palatambilang

tulad ng aklat, sa dyaryo na rin naadik
may socmed man, uso pa rin ang natititik
kaya bente pesos ay nakahandang salik
upang dyaryo'y bilhing walang patumpik-tumpik

- gregoriovbituinjr.
05.13.2024

Tuwing Lunes ang tindang tahong

TUWING LUNES ANG TINDANG TAHONG

tuwing Lunes pala ang tinda nilang tahong
sa karinderya sa may kanto namin doon
noong nakaraang Lunes nga ay nagtahong
sisenta pesos lang, aabangan na iyon

masarap at masabaw, lasa'y nanunuot
sa lalamunan, tila sinta'y nangungurot
dama mo pa sa kaibuturan ang haplos
di na matitigang, sadyang makararaos

may benteng talong pa, sabay na sa agahan
nakabubusog na hanggang pananghalian
matibay na ako sa bawat pupuntahan
pagkaing pampatatag din sa kalusugan

bukod sa isda ay paborito talaga
ang tahong na sa katawan ay masustansya
tuwing Lunes ang tindang tahong, alam ko na
Lunes na itong pampasigla't pampagana

- gregoriovbituinjr.
05.13.2024

Linggo, Mayo 12, 2024

Rosas o Bigas?

ROSAS O BIGAS?

sinta ko'y di mabigyan ng rosas
kaymahal kasi't walang mapitas
pinag-ipunan ko'y kabang bigas
na tanda ng pag-ibig na wagas

ganyan ako noong mangharana
habang tumitipa ng gitara
habang buong loob ang pagkanta
habang sa bahay nila'y manhik pa

ano ang dapat kong iparinig?
pawang boladas ba ng pag-ibig?
anong handa sakaling magniig?
pulot pukyutan ba at pinipig?

narito pa ring nagmamakata
datapwat di nagmamakaawa
dinggin lamang ang samo ko't tula
ako'y balot na ng saya't sigla

- gregoriovbituinjr.
05.12.2024

Palatambilang

PALATAMBILANG

palaisipan sa numero o palatambilang 
ang sa pahayagan ay lagi kong inaabangan
na bukod sa krosword, palatambilang ang libangan
tulad ng sudoku't aeitmerik na kainaman

umaga'y bibili agad ng diyaryo sa kanto
bago pa basahin ang tampok na ulat at isyu
kasabay ng pandesal sasagutin muna ito:
hanap-salita, krosword, aritmetik at sudoku

sa kabila ng social media, uso pa rin dine 
ang pamamayagpag ng diyaryo kong nabibili
tulad ng Pang-Masa, Bandera, Abante, Remate
na tinatawag minsang "literature in a hurry"

salamat sa palatambilang na may laang sigla
na tila arawang ehersisyo sa ating diwa

- gregoriovbituinjr.
05.12.2024

Sabado, Mayo 11, 2024

Superbahong utot ba'y gamot?

SUPERBAHONG UTOT BA'Y GAMOT?

minsan, natatawa na lamang tayo sa balita
lalo't mabahong amoy ang napag-usapang paksa
sa pamagat pa lang ng nabasa mong artikulo
magugulumihanan ka kung ito ba'y totoo
"Super bahong utot, panlaban sa high blood, heart problem,
alzheimer's disease," magandang pag-isipang malalim
isang doktor ang sa mabahong utot ay naglahad
na ito'y maydalang kemikal na hydrogyn sulfide
na mayor na salik kaya bumabaho ang utot
na naaamoy natin pag pumutok ay mabantot
na nagbibigay ng proteksyon sa mitochondria
na siyang powerhouse at nagbibigay enerhiya
sa selula upang makapagtrabahong maayos
salamat, ito'y ambag sa kaalaman kong kapos
kaya sa mga ututin, sila'y pagpasensyahan
utot pala nila'y laking tulong sa kalusugan

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-8 ng Mayo, 2024, p.8

Tatlong aklat ng maiikling kwento

TATLONG AKLAT NG MAIIKLING KWENTO

tatlong aklat ng maiikling kwento
ang dagdag sa koleksyon ko ng libro
na mga awtor ay Amerikano,
taga-Inglatera, at Pilipino

To Build a Fire ang aklat ni Jack London
ang kay Jane Austen, pamagat: Sanditon
kay F. Sionil Jose ay Olvidon
ang basahin sila'y ganap kong layon

dagdag upang mabasa't paghandaan
upang makatha ang nobelang asam
mga akda kong kwento'y pag-igihan
hanggang pagnonobela'y matutunan

payak na pangarap ng maglulupa
at makatang dumanas din ng sigwa
bagtasin man ang sangkaterbang luha
ay patuloy sa layuning kumatha

ang mga awtor na aking nabanggit
kapara'y mga bituin sa langit
mga akda nila'y aking sinungkit
na nang binasa ko'y talagang sulit

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024

Ako man ay maglulupa

AKO MAN AY MAGLULUPA

ako man ay maglulupa
at naritong laging handa
tinatahak man ay sigwa
patuloy lang sa adhika

asam na lipunang patas
araw-gabi'y binabagtas
itayo'y malayang bukas
na lahat pumaparehas

ang laging nasa isipan
ay kalayaan ng bayan
mula sa tuso't gahamang
kapitalista't iilan

malayo ma'y lalakarin
upang tupdin ang mithiin
ang nakatakdang aralin
ay taimtim na gagawin

tinatahak nami'y wasto
habang nagpapakatao
na itatayong totoo
ay lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024

Biyernes, Mayo 10, 2024

Banta sa buhay ang redtagging, ayon sa SC

BANTA SA BUHAY ANG REDTAGGING, AYON SA SC

sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema
nitong Mayo Otso, redtagging ay banta talaga
sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng masa
pati sa kagaya kong nakikibakang aktibista

nais ng aktibista'y isang malayang lipunan
na di naghahari sa bansa ang tuso't gahaman
di namamayagpag ang dinastiya ng iilan
nais nami'y patas, parehas, pantay na lipunan

dahil ayaw ng elitistang mawala't tanggalin
kaya pinauso nila ang sistemang redtagging
ayaw ng kapitalistang ang karapatan natin
sa pabrika, sa eskwela, saanman, kilalanin

kumilos kami para sa karapatang pantao
laban sa pagsasamantala ng tao sa tao
itatayo namin ay isang lipunang makatao
na walang hari batay sa pag-aaring pribado

salamat sa Korte Suprema sa inyong desisyon
na redtagging sa buhay ng masa'y nakalalason
patuloy lang kami sa makatao naming misyon
na sistemang bulok ay pawiin sa ating nasyon

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* litrato mula sa ulat sa google