Linggo, Hulyo 13, 2025

Basura

BASURA

nang sumigaw ang maton sa daan
ng "Lumabas ang matapang diyan!"
ginawa ng mga kapitbahay
basura'y inilabas na tunay

sila ang matatapang talaga
binigay sa maton ang basura
ano ngayon, saan ang tapang mo?
basura tuloy para sa iyo

maton ba kaya talak ng talak
ay nanghiram ng tapang sa alak
bakit ba naghahanap ng away?
kanino galit? mata'y mapungay?

basura ba ang asal ng maton?
kaya basura'y ipinalamon?
minsan sa komiks inilalantad
ang katotohanang tila hubad

- gregoriovbituinjr.
07.13.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Hulyo 9, 2025, p.7

Gulay sa pananghalian

GULAY SA PANANGHALIAN

kamatis, sibuyas, / bawang, okra, talong
anong sarap nitong / ating ulam ngayon
pagkat pampalakas / ng katawan iyon
tiyak maiibsan / ang nadamang gutom

tara nang mag-ulam / ng mga gulayin
iniluto upang / gumanang kumain
datapwat kayraming / mga iisipin
habang sumusubo / nagninilay pa rin

payak na almusal / at pananghalian
at pampatibay pa / ng mga kalamnan
tatatag din naman / ang puso't isipan
makatatagal pa / sa mga takbuhan

halina't kumain / nitong mga gulay
na kasangga upang / tumagal sa buhay

- gregoriovbituinjr.
07.13.2025

Sabado, Hulyo 12, 2025

Tahong

TAHONG

kaysarap ng tahong
sa pananghalian
sa kanin mang tutong
ay pagkalinamnam

tarang mananghali
tiyan ay busugin
ang bawat mong mithi
ay baka kakamtin

sa ulam na payak
ay mapapasayaw
at mapapalatak
araw ma'y mapanglaw

tahong na kaysarap
habang naninilay
na pinapangarap
ay mangyaring tunay

- gregoriovbituinjr.
07.12.2025

Centrum, pandesal at Revicon

CENTRUM, PANDESAL AT REVICON

payak lamang yaring pamumuhay
subalit narito't napagnilay
katawan ay palakasing tunay
sa kabila ng danas na lumbay

kaya aking inalmusal ngayon
ay Centrum, pandesal at Revicon
lumakas at ituloy ang misyon
bagamat gunita ang kahapon

sapagkat kayrami pang gagawin
unang nobela pa'y kakathain
kathang maikling kwento'y tipunin
pati na mga ginawang salin

balak tapusing pagsasaaklat
ng tula't anumang nadalumat
ng kwento't sanaysay na nasulat
habang patuloy na nagmumulat

- gregoriovbituinjr.
07.12.2025

Biyernes, Hulyo 11, 2025

Fr. Rudy Romano, desaparesido

FR. RUDY ROMANO, DESAPARESIDO

isang pari, desaparesido
pangalan: Fr. Rudy Romano
nawala, apat na dekada na
pagkat dinukot umano siya

nawala nang apatnapung taon
di pa nakikita hanggang ngayon 
hustisya para sa kanya'y hanap
kailan kaya mahahagilap?

paring kaisa ng manggagawa
nakibaka kasama ng dukha
tinaguyod ang kanyang mithiin
para sa mahirap ang layunin 

para kay Fr. Rudy, hustisya 
sabay nating isigaw, hustisya 

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* tulang binigkas ng makatang gala sa munting pagkilos sa harap ng CHR

Kung pesbuk man ay talaarawan

KUNG PESBUK MAN AY TALAARAWAN

hingi ko'y paumanhin sa tanan
kung pesbuk man ay talaarawan
ito ang nakita kong paraan
upang ang anumang kaganapan
ay maalala't mababalikan

daan sa pakikipag-ugnayan
sa kamag-anak at kasamahan
sa kakilala at kaibigan
sa kamakata at kababayan
sa mga kasangga't kalaban man

pawang tula yaring kakathain
at ilalathala sa pesbuk din
tula bilang gawang malikhain
pwede rin ninyong balewalain
kung ayaw n'yong tula ko'y basahin

muli, ang hingi ko'y paumanhin
kung mga tula'y bibitin-bitin
sa pesbuk, sa ere't papawirin
pagkat bawat tula'y tulay man din
sa puso't diwa ng madla natin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Sa kabila ng lahat

SA KABILA NG LAHAT

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kikilos
upang sa trapo't sistemang bulok makipagtuos

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kakatha
ng mga makabuluhang sanaysay, kwento't tula

sa kabila ng lahat, patuloy ang pag-aaral
di man sa eskwela ay sa pagbabasa ng aklat

sa kabila ng lahat, patuloy din sa paglinang
ng bukirin ng kaalaman sa malayong ilang

sa kabila ng lahat, patuloy ang paglalakad
bakasakaling nakatagong paksa'y magalugad

sa kabila ng lahat, patuloy na magkukwento
upang maisiwalat ang nalilingid sa mundo

sa kabila ng lahat, patuloy akong tatahak
sa mga tiwangwang upang taniman ang pinitak

sa kabila ng lahat, ako'y naririto pa rin
ganap na haharapin anumang alalahanin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Sa unang buwansaryo ng pagyao ng sinta

SA UNANG BUWANSARYO NG PAGYAO NG SINTA

nagiba ang lahat ng pangarap
nagiba ang dibdib sa nalasap
nagiba maging ang pangungusap
nawala ang buhay sa sang-iglap

hanggang ngayon, nagdadalamhati
sa ospital ikaw ay nasawi
alaala mo'y di mapapawi
sa puso'y laging mananatili

isang buwan na nang mawala ka
dusa't lumbay aking nadarama
hungkag na yaring buhay ko, sinta
nang sa aking piling mawala ka

katawa'y matatag, di ang dibdib
tuhod pa'y matibay, di ang isip
kinakaya ko lang, di malirip
sa puso'y lagi kang halukipkip

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* litrato mula sa google

Huwebes, Hulyo 10, 2025

Palasimba raw

PALASIMBA RAW

nangyayari sa totoong buhay
ang sa komiks ay kanyang palagay
palasimba'y palamurang tunay
kaplastikan nga ba yaong taglay?

palasimba'y sumagot, sa halip
na buti'y depensa ang naisip
wala raw dapat basagan ng trip
tanong ko sa kanya pag nahagip:

palasimba, bakit palamura?
ang buhay mo ba'y ganyan talaga?
palamura'y bakit nagsisimba?
upang sala mo'y patawarin na?

minsan komiks ang naglalarawan
ng buhay at ng katotohanan
na di lang pulos katatawanan
kundi pag-isipin ka rin naman

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 9, 2025, p.5

Walang kapararakang lakad

WALANG KAPARARAKANG LAKAD

walang kapararakang lakad
animo'y may ginagalugad
nagsisikap naman, di tamad
pagkakayod nga'y sinasagad

kilo-kilometrong lakarin
naninilay ay laksa pa rin
ang inaadhika'y tutupdin
gagawin ang bawat mithiin

ang lakad ba'y saan patungo
di naman nanggaling sa buho
nararamdaman ma'y siphayo
ay mararating din ang pulo

palayo ng palayong hakbang
palayo sa lupang hinirang
patungo sa lupang tiwangwang
na aking nais na malinang

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

P45 budget meal

P45 BUDGET MEAL

halos isang kilometrong layo rin
upang sa budget meal ay makakain
minsan lang naman, pag may lalakarin
subalit sa bahay, pulos gulayin

dapat ding magpalakas ng katawan
kasabay ng paglusog ng isipan
huwag titiisin ang kagutuman
sa tamang oras ay kumain naman

niyakap ang payak na pamumuhay
kapag may panahon ay nagninilay
maaga ring umuuwi ng bahay
nang katawan ay pahingahing tunay

sa budget meal, kwarenta'y singko pesos
na tama lang sa makatang hikahos
bitamina'y tinitiyak ding lubos
upang katawan ay nakararaos

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

Pilipino, Palestino

PILIPINO, PALESTINO

oo, isa akong Pilipino
nakikiisa sa Palestino
na nakikibaka ngang totoo
upang paglaya'y makamtan nito

Pilipino, Palestino, tugma
nais kamtin ang sariling lupa
Palestino, Pilipino, tula
nakikibaka, dugo'y sariwa

sigaw: mula ilog hanggang dagat
Palestno'y lalaya ring lahat
sa paglaban sila na'y namulat
sana kanilang dugo na'y sapat

upang mananakop na'y magapi
upang susunod na salinlahi
ay bagong mamamayan ng lipi
kapayapaan na'y maghahari

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* litrato mula sa google

Miyerkules, Hulyo 9, 2025

Ano nga ba ang venous thrombosis o blood clot?

ANO NGA BA ANG VENOUS THROMBOSIS O BLOOD CLOT?

Blood clot. Medical na tawag ay venous thrombosis? Ito ang pamumuo ng dugo o pagiging malapot, kaya hindi makadaloy sa ugat.

Ito ang naging sakit ng aking asawang si Liberty, na namayapa na noong Hunyo 11, 2025. Dalawang beses siyang naospital dahil sa blood clot.

Una ay blood clot sa bituka kaya siya naospital ng apatnapu't siyam (49) na araw mula Oktubre 23 hanggang Disyembre 10, 2025.

Ikalawa ay blood clot sa pagitan ng artery at vein sa utak kaya siya naospital ng pitumpung (70) araw mula Abril 3 hanggang nang siya'y malagutan ng hininga sa intensive care unit (ICU) noong Hunyo 11, 2025.

Noong nakaraang taon, dapat ay may apat na testing si misis, at nilaktawan 'yung pangatlo. Kaya una, pangalawa, at pang-apat na testing na ang pinakahuli ay sa bone marrow. Lahat ay negatibo ang resulta. Dahil kung positibo, mababatid na ng mga doktor kung ano ang tamang lunas.

Ang ginawa ay operasyon kung saan nilagyan siya ng blood thinner upang lumabnaw ang kanyang dugo, at nang makadaloy ang dugo. Dahil kung mananatiling di makadaloy ang dugo ay baka mabulok ang bituka, na mas malala pa ang mangyari.

Lumabas si misis noong Disyembre na may maintenance na blood thinner, na imbes iturok sa kanya ay tabletas, ang warfarin.

Bagamat pulos negatibo ang resulta ng tatlong testing, nagsaliksik tayo kung ano ba ang dahilan nito. Sinaliksik ko sa internet, hindi pa sa mga medical books, kung ano nga ba ang venous thrombosis at ano ang pinagmulan at dahilan nito.

Sa AI Overview sa google, kung saan tinipa ko ang "causes of venous thrombosis" ay ito ang lumabas:

Venous thrombosis, including deep vein thrombosis (DVT) and pulmonary embolism (PE), occurs when a blood clot forms in a vein, often in the legs. Several factors can contribute to this, including vein damage, slow blood flow, and increased blood clotting tendency.

Causes of Venous Thrombosis: 

1. Immobility: Prolonged inactivity, like long-distance travel or bed rest, can slow blood flow, increasing the risk of clot formation. 

2. Injury or Surgery: Damage to the vein walls from surgery or injury can trigger clotting. 

3. Inherited Conditions: Genetic factors can predispose individuals to blood clotting disorders. 

4. Medical Conditions: Certain illnesses like cancer, heart disease, and inflammatory bowel disease can increase the risk. 

5. Hormonal Factors: Pregnancy, birth control pills, and hormone replacement therapy can elevate clotting risk. 

6. Obesity: Increased body weight can contribute to slower blood flow and inflammation. 

7. Smoking: Smoking damages blood vessels and increases blood stickiness, promoting clot formation. 

8. Age: The risk of VTE increases with age, particularly over 60. 

9. Other Factors: Long-term catheter use, smoking, and certain medications can also play a role. 

Deep Vein Thrombosis (DVT) and Pulmonary Embolism (PE): 

1. DVT is a blood clot in a deep vein, typically in the legs. 

2, PE occurs when a clot from a DVT travels to the lungs, blocking blood flow. 

3. PE can be life-threatening, while DVT can lead to long-term complications if left untreated. 

Narito naman ang pagkakasalin ng mga nabanggit:

Ang venous thrombosis, kabilang ang deep vein thrombosis (DVT) at pulmonary embolism (PE), ay nangyayari kapag ang namuo ang dugo sa ugat, kadalasan sa mga binti. Maraming mga kadahilanan ang maaaring mag-ambag dito, kabilang ang pinsala sa ugat, mabagal na daloy ng dugo, at pagtaas ng tendensya ng pamumuo ng dugo.

Mga sanhi ng Venous Thrombosis:

1. Kawalang-kilos: Ang matagal na kawalan ng aktibidad, tulad ng malayuang paglalakbay o bed rest, ay maaaring makapagpabagal ng daloy ng dugo, na nagpapataas ng panganib ng pamumuo ng dugo.

2. Kapinsalaan o Surgery: Ang pinsala sa mga dingding ng ugat mula sa operasyon o sugat ay maaaring magtulak ng pamumuo ng dugo.

3. Kalagayang Namamana: Ang mga genetikong kadahilanan ay maaaring magdulot sa mga indibidwal sa mga sakit sa pamumuo ng dugo.

4. Medikal na Kondisyon: Maaaring tumaas ang panganib ng ilang partikular na sakit tulad ng cancer, sakit sa puso, at pamamaga ng sakit sa bituka.

5. Hormonal na salik: Ang pagbubuntis, mga birth control pills, at hormone replacement therapy ay maaaring magpapataas ng panganib ng pamumuo ng dugo.

6. Obesidad: Ang pagtaas ng timbang ng katawan ay maaaring mag-ambag sa mas mabagal na daloy ng dugo at pamamaga. (si misis ay nag-92 kilo bago pa siya maospital noong Oktubre 2024, at nang maosital siya nitong Abril 2025 ay bumaba na sa 64 kilo ang kanyang timbang)

7. Paninigarilyo: Ang paninigarilyo ay nakakapinsala sa mga daluyan ng dugo at nagpapataas ng lagkit ng dugo, na nagtataguyod ng pagbuo ng namuong dugo. (Hindi naninigarilyo si misis)

8. Edad: Ang panganib ng VTE ay tumataas sa edad, lalo na sa paglipas ng 60. (Edad 40 nang unang maospital si misis dahil sa venous thrombosis, at edad 41 nang muli siyang maospital)

9. Iba pang mga Salik: Ang pangmatagalang paggamit ng kalilya (catheter o isang nababaluktot na tubo na ipinapasok sa isang makitid na butas sa isang cavity o lukab ng katawan, lalo na ang pantog, para sa pag-alis ng likido), paninigarilyo, at ilang mga gamot ay maaari ding gumanap ng isang papel.

Deep Vein Thrombosis (DVT) at Pulmonary Embolism (PE):

1. Ang DVT ay isang namuong dugo sa malalim na ugat, kadalasan sa mga binti. (Ang kay misis ay sa bituka, kaya sabi ng mga doktor, rare case0

2. Ang PE ay nangyayari kapag ang namuong dugo mula sa  DVT ay naglalakbay patungo sa mga baga, na humaharang sa daloy ng dugo.

3. Ang PE ay maaaring maging banta sa buhay, habang ang DVT ay maaaring humantong sa mga pangmatagalang komplikasyon kung hindi magagamot.

Panimula pa lang ang artikulong ito sa marahil ay mahaba-habang pag-aaral. Mahalaga sa aking maunawaan at mapag-aralan kung ano ba itong sakit na nakadale kay misis. Kahit paano'y nabatid ko upang marahil ay mapanatag ang puso't diwa, at bakasakaling maibahagi din sa iba upang makatulong sa kanila, o sa sinumang matatamaan ng sakit na venous thrombosis. Bagamat aminado akong hindi ako doktor kundi simpleng mamamayan at manunulat.

ANG VENOUS THROMBOSIS

kaytinding sakit ng venous thrombosis
na siyang dumale sa aking misis
blood clot sa bituka'y kanyang tiniis
umabot sa ulo, ito na'y labis

sakit itong dapat maunawaan
at mabatid anong mga dahilan
bakit dugo'y namumuo ba naman
may malaking epekto sa katawan

di makadaloy pag dugo'y malapot
lalo sa bituka, nakakatakot
maski doktor ay di agad masagot
maski nga ako, kayrami nang hugot

aba'y negatibo ang tatlong testing
mabuti't may blood thinner o warfarin
mabuting blood clot ay aralin natin
baka ating kapwa'y matulungan din

Sa ngayon ay iyan muna. May mga artikulo pa't tula itong kasunod.

- gregoriovbituinjr.
07.09.2025