Biyernes, Hunyo 4, 2021

Kung nagkakasabay ang pulong at tungkulin

KUNG NAGKAKASABAY ANG PULONG AT TUNGKULIN

lahat na yata ng pamamaraan, gagawin ko
upang magampanan ang mga tungkuling totoo
kung sakaling magkasabay-sabay ang pulong nito
dapat pag-isipan kung ang uunahin ko'y sino

lahat na yata ng dahilan ay aking gagawin
upang madaluhan ang pulong na mahalaga rin
kahit isa'y masakit sa loob balewalain
kaya hangga't kaya ay huwag itong pagsabayin

pawang magkasinghalagang dapat kong madaluhan
pagsabayin ang mga pulong ay pakaiwasan
isang aral sa aking dapat kong pakatandaan
isang aral sa lahat na dapat pakatandaan

kaya maraming salamat sa nakakaunawa
sa mga tungkuling ginagampanang matiyaga
pinaghuhusayan kahit anong hirap ang gawa
basta ba walang bibitaw sa dakilang adhika

tinanggap natin ang pwesto kaya gampanang husay
tinanggap itong tungkuling bahagi na ng buhay
punong-puno man ng hamon yaring tungkuling tunay
muli, sa lahat ng nakakaunawa, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.04.2021

* litratong kuha mula sa ZOTO Day Care Toweville

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento