di pa natitiyak kung ako nga ba'y negatibo
dahil wala pang swab test na nagdedeklara nito
paano makatitiyak, magpa-swab ba kamo?
ang swab test nga ba'y magkano? apat na libong piso!
nang nag-positibo'y ilang araw nang nakalipas
labing-apat na araw dapat magaling nang sukat
nang bumaba ang oksiheno, baga pa ba'y sapat
dapat magpa-laboratoryo't mabatid ang lahat
nais kong may patunay na negatibong talaga
sa muling pagsu-swab test ang makukuhang resulta
kahit apat na libong piso muli ang magasta
mawala mang kwatro mil ay anong sakit sa bulsa
ah, sadyang magastos talaga ang pagkakasakit
lalo't tumama sa iyo'y iyang salot na covid
na anuman ang kahihinatnan mo'y di mo batid
tatadtarin ka pa ng gastusing
nakamamanhid
mabuti't may mga payo pa ring laging magsuob
ngumata ng bawang at magluya rin nang lumusog
mag-virgin coconut oil at buko'y inuming lubos
lahat ng inyong payo'y ginagawa ng marubdob
di makatuntong sa kalsada, di pinalalabas
dahil malakas manalasa ng baryant na hudas
kung makalingat ka'y baka todo itong papaspas
at baka manghinang lalo imbes nagpapalakas
- gregoriovbituinjr.
10.10.2021
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento