Huwebes, Abril 6, 2023

Kalbaryong krisis ng maralita

KALBARYONG KRISIS NG MARALITA

kwaresma, inaalala ng dukha ang kalbaryo
ginugunita ang paghihirap ni Hesukristo
panlilibak, panghahamak, inalalang totoo
na kapara'y kalbaryo ng kahirapan ng tao

higit dalawang libong taon na ang nakaraan
ay laganap pa rin ang paghamak at kaapihan
ng nakararami sa sibilisadong lipunan
kabulukan ng sistema'y ating nararanasan

nilayin ang buhay ni Kristo sa panahon niya
na laganap na noon ang kawalan ng hustisya
mga kawal na Hudyo pa ang sa kanya'y nagdala
sa bundok ng Kalbaryo't doon ipinako siya

ihambing sa buhay ng dukha sa panahong ito
kayrami nang pinagsasamantalahang obrero
ginagawang kontraktwal ng kapitalistang Hudyo
di maregular gayong kaytagal na sa trabaho

nagpapatuloy pa ang ebiksyon at demolisyon
dukha'y tinataboy sa malalayong relokasyon
walang serbisyong panlipunan, wala pang malamon
iba'y walang relokasyon, pulos bahala iyon

mga ginawa ni Kristo'y sadyang makasaysayan
mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan
muling pagkabuhay n'ya'y pagkamit ng katarungan
at lipunang walang kaapihan, sana'y makamtan

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023Kalbaryong krisis ng maralita

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento