ANG TULA, AYON SA PALAISIPAN
sa Una Pahalang: isiping pawa
ano bang binibigkas ng makata?
na agad ko namang sinagot: TULA
lalo na't malimit kong kinakatha
gayong tula'y bihira kong bigkasin
batid kong walang didinig sa akin
maliban kung nasa rali't tawagin
ay bibigkas ng rubdob ang damdamin
makata akong kung magsulat: payak
hinggil sa maraming paksang palasak
tulad niring sugat na nagnanaknak
pluma'y tangan, palad ko'y naglilipak
nagbibilang ng taludtod at pantig
tiyak may tugma't sukat bawat pintig
nitong pusong kaysarap kung umibig
at tula'y bibigkasin kong may himig
- gregoriovbituinjr.
12.09.2024
* mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 9, 2024, p.11
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento