KAHIT WALANG MAKAIN, AKO PA RIN AY TUTULA
kahit walang makain, ako pa rin ay tutula
pagkat ito na ang buhay ko kahit walang-wala
magsusulat kahit sa tiket ng bus o palara
kahit sa lumang kwaderno't coupon bond ay kakatha
ako'y ganyan kadedikado sa napiling sining
paksa'y naglalaro sa diwa kahit nahihimbing
subalit minsan, tula'y almusal na pagkagising
laging kasama ang masa, wala sa toreng garing
itutula pati danas kong hirap, hikbi't gutom
tinig man ng masa'y di hahayaang nakatikom
kinakatha kahit halimuyak ng alimuom
mga isyung panlipunang sa tula nilalagom
tangan pa rin ang pluma kahit na pinupulikat
may katha sa diwa kahit may pasan sa balikat
nais kong ipakita sa sariling ako'y tapat
sa sining na ito, paumanhin kung bumabanat
wala mang laman ang tiyan, may nasasabi pa rin
bakit walang laman ang tiyan, wala bang makain
bakit di lamnan ang tiyan, bakit mo titiisin
ang gutom kung may paraan ka upang makakain
ah, sa kabila ng gutom, napakaraming paksa
bakit ba kadalasan ay tulala't namumutla
damhin mo ang sarili, tanungin ang manggagawa
magmatyag sa kapaligiran, kumusta ang madla
maraming salamat sa mga nagbabasa sa akin
seryoso ba ako, patawarin o patawa rin?
salamat sa tula't isipan ay malinaw pa rin
tula, tupa, tuka, toma, salita'y pagsalitin
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento