PATULOY ANG PAGGAWA NG EKOBRIK AT YOSIBRIK
sa kabila ng lockdown ay patuloy ang paggawa
ng ekobrik at yosibrik kahit na walang-wala
makatulong sa kalikasan nga'y aking adhika
ito'y isa nang layuning nasa puso ko't diwa
nalulunod na sa upos ang ating karagatan
ikatlo sa pinakamarami'y upos na iyan
tambak na ang basurang tao ang may kagagawan
daigdig nating tahanan ay naging basurahan
kaya nagpasya akong huwag magpatumpik-tumpik
maggupit-gupit ng mga plastik at isisiksik
sa boteng plastik upang makagawa ng ekobrik
mga upos ng yosi naman para sa yosibrik
mga gawang sa kalikasan nakakatulong
lalo na't nasa lockdown, panahong nakakaburyong
kung sakaling sa kolehiyo man ay nakatuntong
anong magagawa mo sa kalikasan, ang tanong
paano lulutasin ang basurang pulos upos
kabaliwan nga ba ang pageekobrik kong lubos
pagmasdan mo ang dalampasigan, kalunos-lunos
basura na'y naglulutangan, isda'y kinakapos
mga ginagawang ito'y pagbabakasakali
na may magagawa pa upang basura'y mapawi
pagtataguyod din ng pagbabago ng ugali
upang ganda ng kalikasan ay mapanatili
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento