Biyernes, Pebrero 4, 2022

Sa ika-123 anibersaryo ng Fil-Am War

SA IKA-123 ANIBERSARYO NG FIL-AM WAR

petsa Pebrero a-Kwatro ngayon, anibersaryo
ng madugong gerang Pilipino-Amerikano
pagpatuloy ng pakikibakang Katipunero
upang lumaya ang bayan mula sa tuso't dayo

nangyari matapos isuko ng mga Kastila
sa mga Amerikano ang pagsakop sa bansa
binaril ng isang sundalong Kano sa Maynila
ang isang kawal-Pinoy kaya digma'y nagsimula

digmaang tinuloy ng bayaning Macario Sakay
at ibang bayaning nais ay kalayaang tunay
dalawang daang libong Pinoy daw ang nangamatay
gawa ng mga Kano'y war crimes, nang-tortyur, nambitay

mayroon umanong peace protocol na nilagdaan
nang matigil ang digmaan at may kapayapaan
subalit Pilipino'y patuloy sa sagupaan
dahil pangarap kamtin ang tunay na kalayaan

sa anibersaryong ito, ating alalahanin
mga bayaning nangarap malayang bansa'y kamtin
talagang nakibaka ang mga ninuno natin
na nagbuwis ng buhay upang bansa'y palayain

- gregoriovbituinjr.
02.04.2022

Pinaghalawan ng datos:
litrato mula sa google
https://en.wikipedia.org/wiki/Philippine%E2%80%93American_War
https://www.filipinoamericanwar18991902.com/filamwarbreaksout.htm
https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-heritagesch/historical-research/the-philippine-american-war-1899-1902/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento