ANG BUWAN
naroon ang buwan sa di pusikit na karimlan
animo'y nagbabalak hulugan ako ng sundang
habang naritong nakatitig pa rin sa kawalan
at ginagambala ng anumang namumutawi
sa labi ng diwatang lagi nang nananatili
sa pusong may adhikaing tunay na minimithi
tandang ang sikat ng buwan na ating naaninag
ay tanglaw sa bawat karimlang nakakabagabag
na sa bawat salimuot ay nagpapaliwanag
natutulog man ang mga paruparo't tutubi
naririyan pa rin ang mga ibong humuhuni
at nasa panagimpan ang tulang hinabi-habi
sinasaulo na ang mga taludtod at saknong
lalo't pluma'y nawalan ng tinta, bubulong-bulong
bakasakaling isulat ng nagdaraang pagong
nakatulala, makata'y naroroong tulala
nakakatula, makata'y naroong tumutula
sa ilalim ng buwan, patuloy na kumakatha
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento