Biyernes, Mayo 14, 2021

Ang pagtigil kong kumain ng karne

ANG PAGTIGIL KONG KUMAIN NG KARNE

nakita na nila sa tshirt ang paninindigan
kung bakit karneng manok pa ang nais ipaulam
doon sa pulong na kinailangan kong daluhan
o ang nakatatak sa tshirt ay balewala lang

buti't nakakain na sa labas dahil nagutom
sa munting talipapa'y nag-ulam ng tortang talong
gulay at isda na lang ang madalas kong malamon
ah, di pa ako maunawaan ng masang iyon

tingnan: "I am a vegetarian and a budgetarian."
tatak lang ba't sa makakakabasa'y balewala lang?
na kaya pala sinuot ko ang damit na iyan
ay dahil iyan ang prinsipyo ko't paninindigan?

vegetarian nga, eh, bibigyan pa ng karneng manok?
sa ngayon sila'y aking pinapatawad sa alok
dahil di nila unawa ang nasa aking tuktok
di pa kasi nila buhay ang buhay kong pinasok

buhay ng mga tulad kong tibak ay mahirap man
na pag walang pera'y talagang nasa kagipitan
naisip kong sa pulong, dalhin na'y sariling ulam
batay sa prinsipyo't aming mapagsalu-saluhan

sa ganito, problema'y nalutas at napabatid
kahit mahaba-habang tulay pa'y dapat matawid
upang ang paninindigang ito'y di na malingid
sa iba pagkat sinasabuhay ko nang matuwid

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento