ANG SOLONG HALAMAN SA BANGKETA
nag-iisa man ang tanim sa gilid ng bangketa
tumutubo't nabubuhay sa kanyang pag-iisa
pananaw din niyang habang may buhay, may pag-asa
baka siya'y binhing bumaon sa lupang kayganda
patunay na kahit nag-iisa'y may magagawa
basta't malinaw ang paninindigan at adhika
basta't marunong makipagkapwa-tao sa madla
basta't makabuti sa marami ang ginagawa
kaya kung sakaling nag-iisa'y huwag malungkot
tulad ng halaman sa bangketang hindi natakot
sakaling mamunga't may pakinabang itong dulot
mag-isa man, buhay ay may katuturang naabot
maraming salamat sa mag-isang halamang iyon
pagkat sa tulad ko, siya'y nagsilbing inspirasyon
lalo't hinarap ang samutsaring problema't hamon
na nalutas din namang anong galing nang maglaon
- gregoriovbituinjr.
* litratong luha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento