MANHIK-MANAOG
noon, lagi akong manhik-manaog sa hagdanan
tila turumpong di mapakali sa kinalagyan
akyat-baba ang ehersisyo noong kabataan
at gayon din ang asal sa loob ng paaralan
subalit minsan ay nadulas, tumama ang ulo
sa kanto ng hagdan at nagkasugat ngang totoo
sa pagitan ng kaliwang kilay at ng mata ko
pababa kasi ng hagdan ay mabilis ang takbo
di ko na tanda kung tinahi ba ang aking sugat
paalala sa kalikutan ang natamong pilat
lumipas ang panahon, sa hagdan na'y nag-iingat
lalo't nagmamanhik-manaog pa ring walang puknat
matayog mang pangarap, pagsisikapang akyatin
subalit maingat na akyat-baba ang gagawin
tapik lamang sa balikat ay sapat na sa akin
upang sumigla tungo sa pagkamit ng layunin
di lang parang gulong ang buhay kundi parang hagdan
di lang paikot-ikot, manhik-manaog din naman
mahalaga'y nagpapakatao't nasa katwiran
upang nadaramang kirot sa dibdib ay maibsan
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento