MINSAN SA PAGBIBIDYOKE
mga kasama'y naroong nagbibidyoke minsan
nagpakain ang isang kasamang may kaarawan
matapos iyon ng pulong nang sila'y magkantahan
at inaya akong kumanta, aking tinanggihan
ngunit noon ay malakas ang loob kong kumanta
basta nakahawak ng mikropono ay lalarga
subalit nang si misis ang pagkanta ko'y napuna
na boses ko'y galing sa ilong, ako'y tumigil na
hanggang ngayon, di na ako kumanta sa bidyoke
tila baga ang pagkanta ko'y isa nang bagahe
pag narinig ng iba, nadarama ko'y diyahe
nakakahiya na sa sinumang makasasaksi
di naman ako matampuhin, inisip ko pa rin
ang kawastuhan ng pagpuna ni misis sa akin
baka nagkakalat lang pala ako'y di ko pansin
baka tingin nila ako'y magalit pag punahin
kaya sa mga inuman, di ako mapaawit
kahit lasing na'y nakikinig na lang sa pagbirit
mas sa pagkatha na lang ako nagkonsentrang pilit
at baka dito'y mas may silbi ako't walang sabit
buti na lang, nila-like ni misis ang aking tula
kahit siya lang ang madalas nagla-like sa katha
na kung di siya mag-like, bigo akong manunula
at di na nararapat tawaging isang makata
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento