Martes, Pebrero 18, 2025

Balaw

BALAW

bagong salita sa akin bagamat luma
na nasa palaisipan: Walo Pababa
tanong: ilaw o sulo para sa taong nasa
madilim na landas, sagot ay BALAW pala

ang "nasa madilim na landas" ba'y karimlan?
kaya balaw yaong gagamiting ilawan
o iyon ay isang talinghagang nawatas
na nangangahulugang "naligaw ng landas"

balaw ba'y isang gabay, patnubay, o payo
upang naligaw ng landas ay mapanuto
paano iyon ginamit sa pangungusap?
"Sindihan ang balaw, karimlan na'y laganap"

dagdag kaalaman sa makatang tulad ko
na adhika'y gamitin sa tula ko't kwento
ang balaw ding ito sa akin ay nagmulat
upang tuntunin ang minulan ng alamat

- gregoriovbituinjr.
02.18.2025

* palaisipan sa pahayagang Bulgar, Pebrero 17, 2025, p.11

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento