Miyerkules, Pebrero 12, 2025

Depresyon

DEPRESYON

mula ikatatlumpu't siyam na palapag
nang limampung anyos na babae'y lumundag
marahil sa problema'y di napapanatag
kaya nagawa nga iyon, kahabag-habag

sa kalooban niya'y may problemang bitbit?
agad tinapos ang buhay sa isang saglit
ngunit may Mental Health Act na tayo, subalit
mayroon pa ring nagpapatiwakal, bakit

hanggang narinig na lang ng gwardyang naroon
ang lagabog ng katawan ng babaeng iyon
paano ba mababatid kung may depresyon
ang isang tao upang tayo'y makatugon

sapat ba ang Mental Health Act na ating batas
upang dalahin nila'y magkaroong lunas
upang kanilang suliranin ay malutas
upang ang sarili nila'y di inuutas

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 7, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento