Martes, Pebrero 25, 2025

Pagbigkas ng tula sa People Power Monument

PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT

Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25,  2025, ay nag-bidyo-selfie ang makatang gala sa pagbigkas ng kanyang inihandang tula:

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xZmFIKOOOx/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento